(Panawagan sa susunod na administrasyon) AGRI, SUPPLY NG PAGKAIN TUTUKAN

IMINUNGKAHI ni Albay Rep. Joey Salceda sa susunod na administrayon na tutukan ang sektor ng agrikultura at suplay ng pagkain sa bansa.

Giit ni Salceda,  bagaman matatag ang pagtaas ng GDP ng bansa na umakyat sa 8.3% sa unang quarter ng taon, malaking hamon naman dito ang mabagal na pagsulong ng agrikultura.

Patuloy na lumiliit ang sektor ng agrikultura sa 0.7%.

Nababahala si Salceda na ang patuloy na “underperformance” ng agriculture sector ay makaapekto sa presyo at availability ng pagkain.

Hiniling ng mambabatas kay presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na agresibong tugunan at labanan ang inflation sa pamamagitan ng promosyon ng mga produktong pang-agrikultura, biosafety partikular laban sa African Swine Fever o ASF at avian flu, gayundin ang pagiging matatag laban sa pabago-bagong klima.

Dapat din aniyang paigtingin ang  “safety nets” nang sa gayon ay matiyak na mapoprotektahan ang mga “most vulnerable” na populasyon laban sa price shocks at mapanatili silang kapaki-pakinabang.

Panghuli ay ang pagpapalakas sa kumpiyansa sa pamumuhunan sa bansa lalo pa’t mahigpit ang gobyerno pagdating sa pananalapi. CONDE BATAC