(Panawagan sa taxpayers ng Maynila) MAGBAYAD NG BUWIS

HINIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga city employees at mga residents na tulungan ang lokal na pamahalaan na himukin ang iba pang mamamayan na magbayad na ng kanilang buwis.

Sa ganitong paraan, ang pondo ay papasok at ang pamahalaan ay magagawang tustusan ang mga bagong proyekto para sa benepisyo ng Manileño, ayon sa alkalde.

Sa kabilang banda, nanawagan naman si Lacuna sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na siguraduhing gugulin ang pera mula sa kaban ng bayan sa mabuti at mabungang paraan.

“Tulungan nyo po kami, magtulong-tulong po tayo na mahikayat ang ating mga kababayan na tupdin ang kanilang mga responsibilidad dito sa ating lungsod at sa mga kapwa natin kawani na gamitin nang maayos ang ating pondo, nang sa gayon po ay maabot natin ang ating minimithing Magnificent Manila,” saad ng alkalde.

Kaugnay nito, sinigurado naman ng lady mayor sa mga Manileño na ang mga infrastructure projects ng lungsod sa ilalim ng kanyang administrasyon ay tuloy-tuloy katulad na lamang ng newly-rehabilitated Dr. Albert Elementary School sa Sampaloc.

“Tuloy-tuloy ang ating pagsasaayos ng ating napakaraming infrastructure projects dito sa lungsod ng Maynila… Ito po ay dala ng ating masinop at maayos na paggamit ng kahit kakapiranggot nating yaman dito sa lungsod,” ayon pa sa alkalde.

Samantala, sinabi ni Lacuna na ang daloy ng flag raising ceremony sa Manila City Hall tuwing Lunes ay nirebisa na alinsunod sa Republic Act 8491 o ng Flag and Heraldic Code of the Philippines.

“Dahil dito ang pagtataas ng watawat must precede morning prayer , ganyan na po ang magiging takbo ng flag ceremony natin.”
VERLIN RUIZ