HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na paigtingin ang mga hakbang upang mapataas ang kahandaan sa trabaho ng senior high school (SHS) graduates, kasunod ng ika-30 anibersaryo ng ahensiya.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos niyang tanggapin mula sa ahensiya ang Special Kabalikat Award bilang pagkilala sa kanyang adbokasiya na patatagin ang Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa bansa.
Matatandang ipinanukala ni Gatchalian ang pagpondo at pagpapatupad sa Free National Certification Assessment Program ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget.
May P438 milyon na nakalaan sa ilalim ng TESDA para sa pagsasagawa ng mga libreng competency assessments at pag-isyu ng national certifications sa mga mag-aaral ng senior high school sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.
Inaasahang 420,967 mag-aaral sa SHS sa ilalim ng TVL track ang makikinabang sa naturang pondo.
Nagpanukala rin si Gatchalian ng P50 milyong pondo sa ilalim ng 2024 national budget upang madagdagan ang mga assessor ng TESDA.
Titiyakin nito na may sapat na kakayahan ang ahensiya upang ipatupad ang programa.
Dahil libre na ang assessment at certification, hindi na magbabayad ang mga mag-aaral para sa assessment na umaabot sa humigit-kumulang P1,008.29 kada mag-aaral.
Ang gastos sa assessment ang isa sa mga dahilan kung kaya mababa ang certification rate sa mga SHS graduates sa ilalim ng TVL track. Noong School Year (SY) 2019-2020, 127,796 (26.3%) lamang sa 486,278 na mga SHS-TVL graduates ang kumuha ng assessment.
Umabot naman sa 124,970 o 98% ng mga kumuha ng assessment ang pumasa at nakakuha ng national certification. Bumaba sa 6.8% ang overall certification rate noong SY 2020-2021.
Umaasa si Gatchalian na makatutulong ang programa na itaas ang certification rate ng mga mag-aaral sa SHS-TVL upang tumaas ang tsansa nilang makakuha ng magandang trabaho.
Matatandaang 50% ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na pumasok sa trabaho ay nasa elementary occupations tulad ng mga cleaners, vendors, at mga domestic helpers, batay sa pagsusuri ng Senate Committee on Basic Education sa datos ng Labor Force Survey.
“Nagpapasalamat ako sa TESDA dahil katuwang natin sila upang gawing libre ang assessment at national certification para sa ating mga senior high school graduates sa TVL track. Patuloy nating isusulong ang mga reporma upang lalong mapatatag ang TVET at matiyak na handa ang ating mga graduates na magtagumpay sa mga pipiliin nilang mga larangan,” ani Gatchalian.
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) upang gawing institutionalized ang libreng assessment at certification para sa mga senior high school graduates. VICKY CERVALES