SINOPLA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang panawagan ni Retired General Antonio Parlade, Jr. para sa isang revolutionary government sa ginanap na kilos-protesta kasama ang 100 taga-suporta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Martes.
Ayon kay Secretary Año, reckless at careless ang panawagan ni Parlade dahil mahigit isang buwan na lang ay magpapalit na ng bagong mga lider sa bansa.
Magugunitang sa rally, sinabi ni Parlade na dating commanding general ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na posibleng isang revolutionary government ang tanging solusyon sa naturang problema.
Hinihiling din umano ng grupo ang abolisyon o pagbuwag sa party-list na anila ay ‘walang kwenta.’
Sinabi naman ni Año, bagaman nirerespeto niya ang ‘right to free speech’ ni Parlade, dapat na mag-ingat ito sa pananalita at pinayuhan ang dating heneral na mayroon namang kaukulang ‘legal mechanisms’ para idulog nito ang kaniyang mga hinaing.
Tiniyak ni Año na ang mga ahensya sa ilalim ng DILG gaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay nananatiling tapat sa chain of command.
Gayundin, hinikayat ng DILG chief ang mga LGU na dedmahin ang panawagan ni Parlade at ituloy ang paghahatid serbisyo sa publiko.
Binigyang diin nito, kaisa ng DILG ang Department of National Defense (DND) sa pagharap sa mas mahalagang problema ng bansa at sa mapayapang paglilipat ng kapangyarihan sa bagong iluluklok na mga lider ng bansa. EVELYN GARCIA