PANDAIGDIGANG ARAW NG RADYO

TUNAY  na makapangyarihang kasangkapan ang radyo para sa pag-unlad ng sangkatauhan.

Nagiging tulay at saksi ito ng pagkakaiba-iba ng kultura, relihiyon at wika ng bawat lahi.

Napakainam nitong entablado para sa demokratikong diskurso.

May natatanging kakayahan ang radyo na maabot ang milyon-milyong tagapakinig sa iba’t ibang dako ng mundo.

Malayo na ang narating ng radyo mula nang maimbento ito noong 1900s.

Ang Amplitude Modulation (AM) broadcasting ay isang radio broadcasting technology na gumagamit ng AM transmissions.

Ang paraang ito ay unang na-develop para sa paggamit ng audio radio transmissions at laganap pa rin ito sa buong daigdig hanggang sa kasalukuyan sa medium wave transmissions o mas kilala bilang AM band at maging sa longwave at shortwave radio bands.

Noong 1906, unang nag-broadcast o nagpadala ng mensahe si Reginald Fessenden mula sa Ocean Bluff-Brant Rock, Massachusetts patungo sa mga barko sa karagatan.

And the rest is history, ‘ika nga.

Kahit tila namama­yagpag ngayon ang modernisasyon at internet o social media, ang radyo ay nananatiling makabuluhan na pinanggagalingan ng impormasyon at balita dahil nasasagap nito ang pinakaliblib na lugar sa nayon.

Ngunit higit pa sa mga diyarista, mas maraming brodkaster sa radyo ang dumaranas ng pananakot at karahasan bunsod daw ng walang patid na pagbatikos sa mga nagmamalabis sa posisyon at makapangyarihan sa lipunan.

Walang takot na ginagamit ang karahasan para patahimikin ang mamamahayag o brodkaster sanhi marahil ng impluwensiya ng mga may kapangyarihan.

Patunay rin ito ng malakas na impluwensiya ng radyo sa pagbuo ng opinyon ng tao.

Noong Lunes, Pebrero 13, ipinagdiwang ang World Radio Day (WRD) matapos itong iproklama ng mga miyembrong estado ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong 2011.

Pinagtibay ito ng United Nations General Assembly bilang isang international day o pandaigdigang araw noong 2012.

Ang tema ng ika-12 edisyon ng WRD ngayong taon ay “Radio and Peace.”

Tuwing may mga ganitong okasyon ay hindi maaaring hindi makikiisa ang inyong lingkod.

Ito’y dahil bago ako napunta sa telebisyon ay nagsimula ako sa DZMM RADYO PATROL 630 hanggang sa naging news anchor ng early morning news program at 4 p.m. news na RADYO PATROL BALITA.

Hindi naglaon ay napadpad naman ako sa DWIZ 882 (NAGBABALITA NG TAMA, NAGLILINGKOD NG TAMA) na sister company ng paborito ninyong PILIPINO MIRROR (UNANG TABLOID SA NEGOSYO) at kalauna’y napunta muli sa telebisyon.

Sa susunod na buwan, magkakaroon nga pala ng palatuntunan ang inyong lingkod sa DZEC RADYO AGILA (1062 kHz Metro Manila), ang flagship at all-news AM station ng Eagle Broadcasting Corporation.

Papanatilihin natin ang makabuluhan at makatotohanang impormasyon mula sa radyo sa pamamagitan ng Radyo Agila.

Abangan!