DAPAT ibilang sa mga subject ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya ang kaalaman ukol sa pandemya, epidemya at iba pang health emergencies upang magkaroon ng sapat na kaalaman hinggil sa panganib na hatid ng mga pangyayaring ito.
Ito ang naging reaksyon ni Senador Sonny Angara dahil sa pagwawalang-bahala ng publiko sa panganib ng COVID-19 sa bansa.
Ani Angara, sa kabila ng kaliwa’t kanang paalala ng mga kinauukulan sa palagiang pagsuot ng face masks, pagtatakip sa bibig tuwing babahing at uubo at social distancing, tila hindi ito pinakikinggan ng mamamayan kaya’t patuloy ang padami ng kaso ng COVID.
Ayon sa senador, isa sa mga maaaring maging daan upang sumunod sa mga alituntunin ang mamamayan ay ang sapat na edukasyon sa kung anu-ano ang maaari at di maaaring gawin sa mga panahon ng pandemya. Ang mga ito, aniya, ay dapat ituro sa mga paaralan upang maihanda rito ang mga mag-aaral habang sila ay bata pa.
Kaugnay nito, isinusulong din ngayon ni Angara ang Senate Bill 1674 o ang panukalang naglalayong ipaloob sa school curriculum ng elementarya at sekondarya, pribado man o mga pampublikong paaralan ang mga asignaturang may kinalaman sa pandemya, epidemya at iba pang health crisis.
Mababatid na nitong Marso, inirekomenda ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang isang COVID-19 curriculum sa mga paaralan upang maituro sa mga mag-aaral ang mga nararapat na hakbang upang maiwasan o makontrol ang paglaganap ng naturang karamdaman.
Sa panukala ni Angara, aatasan ang DepEd na makipag-ugnayan sa DOH, gayundin sa National Disaster and Risk Reduction at iba pang pampubliko at pribadong ahensiya sa paglatag ng curriculum na ilalaan sa mga mag-aaral base sa kanilang edad.
“Kung lahat tayo ay marunong lamang sumunod sa mga alituntunin sa mga panahon tulad ng pandemya ng COVID-19, maaaring maging epektibo ang mga hakbang ng gobyerno laban sa krisis na ito. Matutulungan din natin ang ating mga healthworker at maiiwasang malagay sa alanganin ang ating medical at health facilities,” saad pa ni Angara.VICKY CERVALES
Comments are closed.