ITINUTULAK ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukala na bigyan ng ‘pandemic paid leave’ ang mga empleyado sa private sector na napilitang mag-quarantine at magbakasyon muna sa trabaho dahil sa COVID-19.
Sa House Bill 7909, inaatasan na bigyan ng private sector ng 14 na araw na dagdag na paid leave at full pay ang mga tauhan na na-expose sa coronavirus disease.
Sa mga ‘floating worker’ o ‘involuntary out of work’ pero may trabaho pa rin ay inaatasan ang mga private employer na bigyan ang mga ito ng maximum na 60 days paid leave at 80% na sahod.
Paglilinaw naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang paid pandemic leave ay sasagutin ng pamahalaan.
Kukunin ang dagdag na pondo para sa nasabing benepisyo sa available funds ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), at naipong savings sa kasagsagan ng pandemya.
Sinabi ni Brosas na namomoblema ang mga manggagawa sa private sector na na-expose sa COVID-19, gayundin ang mga naka-forced leave o floating bunsod ng pagsasara ng mga kompanya at negosyo na apektado ng lockdown.
Aniya, ang mga ito ay nababawasan ang kita at savings, walang sinusuweldo at nahaharap pa sa panganib ang kalusugan sa COVID-19.
Bukod dito, kapos din, aniya, ang mga kompanya sa sick leaves kaya kailangan na madagdagan at maisabatas ang pandemic paid leave. CONDE BATAC
Comments are closed.