PANDEMYA ‘TEST IN DISCIPLINE’ SA MGA ATLETA

KUMPIYANSA si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Celia Kiram na hindi madedehado ang atletang Pinoy sa hangaring maidepensa ang overall championship sa 31st Southeast Asian Games sa Mayo 12-23 sa Hanoi, Vietnam.

Ayon kay Kiram, tulad ng Pilipinas ay lubhang naapektuhan din ang kahandaan at pagsasanay ng mga kapitbahay ng bansa sa kompetisyon dahil sa COVID-19 kung kaya hindi maituturing na kalamangan sa host at sa iba pang bansa ang desisyon na ituloy ang nabimbin na biennial meet ngayong taon.

Ngunit ang malaking katanungan, handa ba ang atletang Pinoy?

Ayon kay Kiram, nagsusulong sa ‘Women Empowerment’ sa sports, ginawa ng ahensiya ang tungkulin at responsibilidad para sa mga atleta sa loob ng mahigit dalawang taon na paglaban sa pandemya, kaya kumpiyansa siyang tinupad naman ng mga atleta ang kanilang responsibilidad – manatiling malusog, regular na pagsasanay at kahandaan sa kompetisyon.

“Hindi kami nagkulang sa PSC sa suporta sa ating mga atleta. We didn’t remissed on our duties and responsibilities, hopefully ganoon din ang ating mga atleta. Kahit ibinagsak ang kabuhayan ng bansa ng pandemic, patuloy naming ibinigay ang monthly allowances ng mga atleta at coach, gayundin sa kanilang training expenses. ‘Yung iba pumasok sa ‘bubble’ set-up, ‘yung iba naman inabutan na sa abroad ng pandemic,” pahayag ni Kiram sa kanyang pagbisita nitong Huwebes sa unang sesyon ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports via Zoom at live streaming sa TOPS FB page at YouTube.

Ayon kay Kiram, ‘test in discipline’ ang pandemya para sa mga atleta.

“Although, regular ang communications namin sa mga sports association at sa kanilang mga officials and coaches, ‘yung pananagutan kung nagsasanay ba sila nang tama, sapat ang pagkain at training, kung  nasusunod ba ‘yung programa na ibinigay ng coach ay nasa kamay ng mga atleta at mga NSAs concerned,” sambit ni Kiram sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.

Aniya, nailatag ng PSC, sa pakikipagtulungan ng IATF, ang ‘bubble’ set up sa ilang sports, para maipagpatuloy ang kanilang pagsasanay.

“This coming SEA Games, kumpiyansa ako sa kakayahan ng ating mga atleta, but for sure, hindi ganoon katindi ang impact, simply because on the issue of COVID-19. In 2019, ‘yung performance natin ang tindi kasi todo naman ang training hindi tulad ngayon naapektuhan talaga. But, still as what I said earlier, morale obligation nila ang magsanay, kami naman sa PSC todo pa rin ang suporta financially,” aniya.

Overall champion ang Team Philippines sa Manila SEAG nitong 2019. Sa Hanoi, sasabak sa 39 sa kabuuang 40 sports ang Team Pilipinas, ngunit ilan sa mga sports na humakot ng medalya ang Pinoy sa Manila edition ay hindi lalaruin sa Vietnam.

“We already submitted the entry by number sa Vietnam with around 627 athletes. ‘Yung entry by names sa April pa kaya may time pa ang mga NSA para mapili kung sino ang mga potensyal medalists para sa PH Team,” pahayag ni Kiram.

Aniya, nakapagpalabas na ang PSC ng P200 milyon para sa kinakailangang equipment, training expenses, exposures para sa SEA Games at may nakalaan pang P50 milyon para sa tournament proper kabilang na ang travel expenses, kagamitan at allowances.

Hinimok ni Kiram ang mga atleta na panatilihin ang disiplina at pagpupunyagi para maabot ang pinakamataas na level ng pagiging kompetitibo, higit at subok na ang kakayahan ng Pilipino sa sitwasyong nangangailangan ng mas mataas na pang-unawa at sakrispisyo.

“Kami naman sa PSC trabaho pa rin. Kahit na may nagkakaroon na rin COVID-19 sa aming mga frontliners, we make sure na maibibigay pa rin ang pangangailangan ng ating mga atleta, gayundin ang support na hinihingi ng mga NSA at iba pang sports institution tulad ng paglalakad sa visa requirements and tax exception para sa mga bibiyahe abroad,” ayon kay Kiram.

Pinangunahan din ni Kiram ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal ng TOPS, sa pangunguna ni Maribeth ‘Beth’ Repizo-Marana ng Pilipino Star Ngayon bilang bagong ­pangulo.  EDWIN ROLLON