‘PANDEPRENEUR’ OFWs SA GITNA NG PANDEMIC

online seminar

TIWALA lamang sa mga Pinoy upang makalikha ng oportunidad sa gitna ng krisis.

Ito ang naging ins­pirasyon ang pagiging masigasig ng mga migranteng manggagawa at suporta ng mga Filipino community para mamuhunan ang Philippine Overseas Labor Office sa Korea sa mga pagsasanay sa negosyo at finance para sa mga Pinoy na apektado ng pandemic sa asya.

Sa temang “The Happy Pandepreneur: Paano Maging Negosyante sa Gitna ng Pandemya,” sinabi ni Labor Attaché Maya Valderrama na ba­hagi lamang ito sa serye ng mga isasagawang financial at business trai­ning para sa mga OFW habang sinusuong ng mundo ang epekto ng COVID-19.

Ang hakbangin ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng POIMEN, isang organisasyon ng mga lider ng ibat ibang simbahan sa Seoul.

“Ang pandemya na ito ay nakalikha ng mga oportunidad upang magbigay tayo ng weekend session para sa mga OFW para makadalo sila kahit pa sila ay nasa bahay lamang o nasa trabaho. Sa ganitong pagkakataon, ang mga serbisyo ng DOLE ay tumutugon sa pangangailangan ng mga OFW na nawalan ng trabaho o na-stranded sa kanilang mga bansa at humaharap sa peligro na dala ng COVID-19,” wika ni Valderrama.

Kabilang sa mga livelihood training ang KKK-Poultry Production na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Agriculture Office; Trabaho, Negosyo, Kabuhayan: Franchising Seminar sa tulong ng Philippine Trade and Investment Center; at Livelihood Skills Training: Table Setting at Napkin Folding.

Bago pa ang mga learning session, nagsasagawa na ang POLO ng mga online business at financial seminar para sa mga OFW sa Korea at para sa mga nakauwi na sa bansa sa ilalim ng Philippines Reintegration Preparedness Program para sa mga OFW.

Nito lamang nakaraang buwan, ilang sesyon na ang ginawa para sa Basic Financial Literacy at Gusto mo bang magnegosyo sa Fi­lipinas?

Ayon kay Valderrama, higit 200 OFW ang nakilahok sa mga online seminar. Dagdag pa niya, na ang mga ginagawang on-site learning ay alin­sunod sa direktiba ni Labor Secretary Silvestre Bello III na suportahan ang planong reintegration para sa bawat OFW.

“Kinakailangang pangasiwaan ng mga OFW ang kanilang negos­yo at finances higit lalo ngayong panahon ng pandemya at bunsod na din ng hamon na kinakaharap para naman sa trabaho sa ibang bansa. Ako ay nagagalak na nakahanap ang POLO Korea ng alternatibong pamamaraan upang tulungan ang ating mga OFW na mapangasiwaan ang kanilang pananalapi, at maihanda ang kanilang sarili upang maging mga entrepreneur sa oras na bumalik sila ng bansa,” wika ni Bello.

Upang mas maraming OFW ang maabot sa ibang ibang bahagi ng Korea, nakipagtulungan ang POLOsa ibat ibang Filipino community organization tulad ng United Filipinos sa Korea (UFILKOR), Pinoy Investors sa Korea (PiNK), Ilocanos sa South Korea (ISK), at sa Filipino Community Center sa Busan (FCC).

Ang mga lumahok ay nagpasalamat din sa isinagawang mga pagsasanay at nais na mapatuloy ang financial literacy at entrepreneurial development course ng POLO.

“Malaking tulong ang ganitong programa para sa mga gustong magsimula ng negosyo sa Pilipinas, lalo na sa mga OFWs na gaya ko pag mag-for-good na sa sariling bayan. Thank you, DTI and POLO-KOR, nawa’y tuloy tuloy po ang ganitong activities upang lalo pa po kaming mahasa to become entrepreneurs someday”, ayon kay Jayson Olipas, isang mang­gagawa ng EPS.

“Bunsod ng dami ng mga lumahok at nagpalista para sa online seminar, umaasa kami na matugunan ang mga pangangailangan ng mga OFW upang higit silang magkaroon ng financial security at maging entrepreneur-ready higit lalo ngayong panahon ng pandemya,” wika ni Valderrama. PAUL ROLDAN

Comments are closed.