HANDANG-handa na si Presidential Spokesman Salvador Panelo para sa kanyang commute challenge ngayong umaga.
Ito ay makaraang tanggapin ni Panelo ang hamon ni Bayan Secretary General Renato Reyes na subukan ang nararanasang hirap ng mga ordinaryong motorista sa pagsakay ng jeep at LRT.
“Lagi naman akong ready eh. Basta ako sasakay, tapos,” sabi ni Panelo.
Tiniyak pa ng kalihim na wala siyang ibibigay na detalye kaugnay sa kanyang tinaguriang “commute challenge” at walang kasamang alalay o kahit na media sa kanyang nakatakdang plano sa araw na ito.
Ang ipinagtataka aniya ni Panelo ay kung ano ang mahihita ng mga grupong naghamon ng commute challenge sa kanya dahil hindi naman mababago ang sitwasyon kahit pagbigyan pa niya ang mga ito.
Ayon kay Panelo, naniniwala siyang mayroong suffering crisis sa mga commuter dahil sa matinding trapiko na nararamdaman din ng mga pribadong mamamayan na may sariling sasakyan.
“Basta sumakay ka ngayon kahit anong sasakyan, whether you’re in a car, airconditioned, may driver ka, magsa-suffer ka sa traffic, hindi gumagalaw,” giit pa ni Panelo. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.