PANELO UMANGKAS NANG MAPASABAK SA TRAPIK

PANELO-ANGKAS

PINANINDIGAN kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang hamon na siya ay mag-commute at makaraan ang tatlong lipat sa pampasaherong jeep at tatlong oras sa trapiko ay napaangkas na siya para makarating sa Malacañang.

Sinabi ni Sen. Ralph Recto, na nagsusulong ng batas para sa legalisasyon ng motorcycle taxi, na tama lamang ang ginawa ni Panelo na nakiangkas para makarating sa Palasyo.

“Kung hindi pa siya nag-angkas ay malamang na mas matagal ang inabot ni Sec. Panelo sa traffic. Patunay lang ito na ang plata-pormang tulad ng motorcycle taxi ay isang epektibong paraan upang matulu­ngan ang mga commuter na makalusot sa matinding trapiko,” ani Recto.

Sa panig naman ni Manila Congresswoman Cristal Bagatsing, sinabi niyang ang pag-angkas ni Sec. Panelo sa motorsiklo sa pagko-commute ay patunay  lamang na epektibo ang platapormang ito para tulungan ang mga commuter. Kailangan nating magtulungan para  maisabatas at mabigyan ng regulasyon ang lehitimo at professional na motorcycle taxi service tulad ng Angkas upang tugunan ang pa­ngangailangan sa gitna ng malaking poblema ng trapiko sa bansa.

Ikinatuwa naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca ang pag-angkas ni Panelo at sinabing ipinakikita nito kung gaano kabisa ang nasabing plataporma upang matulungan ang mga mananakay na malusutan ang mabigat na traffic sa Metro Manila.

“Ang partnership ng DOTR at Angkas ay isang magandang ha­limbawa kung saan ang pagtutulungan ng pribado at pambublikong sektor ay kailangan upang maibsan ang problema sa trapiko. Nagpapasalamat din kami sa liderato ni Sec. Tugade upang gawing realidad ang motorcycle taxi sa bansa,” ani Royeca.

Para naman kay Jobert Bolanons, chairman ng Motorcycle Rights Organization, mahabang panahon ang ginugol upang makapagbalangkas ng mga guideline para sa motorcycle taxi service na hindi lamang mabilis at maaasahan kundi tumatalima rin sa mga pamantayan ng regulatory agencies. Ang pilot run ng Angkas, aniya, ay bunga ng mahabang oras na talakayan at pag-aaral sa pagitan ng DOTr, LTFRB, Highway Patrol Group, MMDA at ng commuter group, transport advocates at mga miyembro ng academe.

Tatlong beses nagpalipat-lipat ng dyip si Panelo at naipit sa mahigit tatlong oras na traffic kaya napilitang umangkas papasok sa Malacañang.

Umalis si Panelo ng alas-5:15 ng umaga mula sa kanilang bahay sa Marikina, suot ang puting t-shirt at cap, at buong tikas na sinimulan ang kanyang ‘commute challenge’.

Nauna nang sinabi ni Panelo na mali ng hinamon ang mga militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakbayan dahil siya umano ay la­king kalsada at sanay mag-commute.

Matiyagang sinubaybayan ng media ang ‘commute challenge’ ni Panelo at inabot ang Presidential spokesman sa LRT Cubao. Sa halip na sumakay ng LRT gaya ng nauna niyang ipinangako, sumakay na lang ng isa pang jeep papuntang Mendiola si Panelo.  Masaya namang nagpadala pa ng mga larawan si Panelo sa media upang ipakita ang kanyang ‘karanasan’ sa pagko-commute.

Gayunman, dahil inabot na ng mahigit tatlong oras sa traffic, pagbaba ng Mendiola ay nagpasiya si Panelo na umangkas na diretso sa Malacañang kung saan siya dumating bago mag-alas-9:00 ng umaga.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.