PANG-4 NA KASO NG POLIO NAITALA

polio

UMAABOT na sa apat ang naitalang kaso ng polio sa bansa.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa isang press statement na inisyu nila nitong Martes ng gabi.

Hindi naman muna naglabas ang DOH ng iba pang detalye hinggil sa bagong polio case, ngunit sinabing ang pasyente ay mula sa Mindanao.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, lumitaw sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ng Institute of Infectious Diseases- Japan na positibo sa sakit na polio ang naturang pasyente.

Kasalukuyan naman nang nagsasagawa ng vaccination campaign ang DOH upang hindi na madagdagan pa ang mga batang mabibiktima ng naturang sakit.

Katatapos lamang ng mass polio vaccination ng DOH nitong Oktubre sa Metro Manila at Mindanao.

Nakatakda naman nilang isagawa ang ikalawang bugso ng pagbabakuna sa Mindanao mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 8.

Mayroon ring nakakasang ikatlong round ng polio vaccination sa rehiyon sa Enero 6, 2020.

Kaugnay nito, muli namang nanawagan si Duque sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa iba’t ibang karamdaman, gaya ng polio.

“We can defeat polio, but we need the public to trust and actively participate in our immunization programs,” anang kalihim.

“The (polio) virus is transmitted through the oral-fecal route. Handwashing will also help in the prevention,” aniya pa.

Matatandaang noong Setyembre ay kinumpirma ng DOH na muling sumulpot ang polio sa bansa, matapos ang may 19-taong pagiging polio-free.

Ang unang kaso ng sakit ay naitala sa Lanao del Sur, kung saan isang 3-taong gulang na batang babae ang nabiktima nito.

Ang ikalawang kaso naman ay 5-taong gulang na batang lalaki mula sa Laguna, habang ang ikatlong kaso ay isang 4-taong gulang na batang babae naman na mula sa Datu Piang, Maguindanao. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.