KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na naitala na nila ang ika-8 kaso ng polio sa bansa nitong Lunes.
Ang kumpirmasyon ay ginawa ng DOH kasabay ng pag-arangkada ng ikalawang round ng Sabayang Patak Kontra Polio sa National Capital Region (NCR) at buong Mindanao.
Ayon sa DOH, batay sa natanggap nilang report mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ng National Institute of Infectious Diseases – Japan, positibo rin sa polio ang isang siyam na taong gulang na batang babae na mula sa Basilan.
Nabatid na hindi nabigyan ng anumang bakuna laban sa polio ang bata kaya’t mabilis itong dinapuan ng naturang karamdaman.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DOH sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao – Ministry of Health upang i-maximize ang immunization coverage at paigtingin pang lalo ang polio vaccination efforts sa Basilan at iba pang lugar sa Mindanao, kung saan nagmula ang karamihan sa mga batang dinapuan ng sakit.
Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na sapat ang stock nila ng oral polio vaccine (OPV) sa naturang lugar.
Pinaalalahanan din ng kalihim ang publiko na samantalahin ang pag-arangkada ng ikalawang round ng Sabayang Patak Kontra Polio na sin-imulan nitong Lunes, Nobyembre 25, at magtatagal hangang sa Disyembre 7, sa National Capital Region at buong Mindanao.
“I urge all parents and caregivers of children under five years old to take part in the Sabayang Patak Kontra Polio campaign and have their chil-dren vaccinated by our health workers,” ani Duque, nang pangunahan ang pagsisimula ng aktibidad sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila, dakong alas- 2:00 ng hapon.
Maaari umanong magpabakuna sa mga health center, government hospitals, mga piling tindahan ng McDonald’s, at mga fixed vaccination posts sa mga barangay, malls, terminal, at iba pa.
Inaasahang magbabahay-bahay rin ang mga health worker at vaccination teams upang matiyak na lahat ng batang limang taong gulang pababa sa kanilang nasasakupan ay mababakunahan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.