Pang-aabuso sa mga kabataan gamit ang AI ibinabala

SA GITNA ng pagdiriwang ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse ngayong ikalawang linggo ng Pebrero, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na sugpuin ang banta ng artificial intelligence (AI) na nagpapalala ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa bansa.

Kasunod ito ng babala ni Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo Tapales dahil may mga bagong uri na ng mga predator at laganap na rin ang pagkalat ng mga litrato ng mga kabataan na binago gamit ang AI.

Bagama’t may ibang bansa na nag-ulat na ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata gamit ang AI, hindi pa nakatatanggap ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center ng ganitong mga ulat.

“Habang patuloy na nagiging moderno ang teknolohiya, nakakaalarmang patuloy rin na nakakahanap ng mga makabagong paraan ang mga nais mang-abuso ng ating mga kabataan.

Mahalagang tugunan natin ang mga bantang ito at tiyaking sino mang gumagamit sa internet o teknolohiya upang abusuhin ang ating mga kabataan ay mananagot sa batas,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

May dalawang mahahalagang batas para sa pagsugpo ng OSAEC: ang Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act (Republic Act No. 11930) at ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862). Upang ipatupad ang mga batas na ito, P30 milyon ang inilaan sa ilalim ng 2024 national budget para sa Anti-Trafficking in Persons Enforcement.

“Nananawagan din ako sa ating mga magulang na bantayan nang maigi ang kanilang mga anak pagdating sa paggamit ng mga gadgets, lalo na’t maaaring maging daan ito upang makuha ang kanilang mga larawan at magamit sa iba’t ibang paraan ng karahasan at pang-aabuso,” dagdag pa ng senador.

Sa isang pagdinig sa panukalang 2024 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), lumalabas na ang Pilipinas ang pangalawang may pinakamaraming kaso ng OSAEC sa mundo.

Sa parehong pagdinig, nanawagan si Gatchalian ng pinaigting na bilateral relationships sa ibang bansa upang mapalakas ang koordinasyon at komunikasyon sa pagsugpo ng OSAEC.
LIZA SORIANO