DAHIL sa laganap na kahirapan, may mga magulang na nagbebenta sa Internet ng mga sekswal na larawan at video ng kanilang mga anak. Hindi nila alam na wala mang nakikitang pisikal na sugat, malaki ang epektong sikolohikal ng ganitong mga aktibidad sa mga #bagets.
Ito ang nakalulungkot na sitwasyon na ibinahagi ni Emelita Bolivar, isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 3, sa nakaraang panel discussion ng #MakeITSafePH online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) webinar na pinangunahan ng Globe.
Ayon naman kay UNICEF SaferKidsPH Advocacy Officer Ramil Anton Villafranca, paniniwala ng maraming magulang na walang pinsalang nagaganap sa kanilang mga anak kung walang pisikal na contact.
Mahabang proseso ang kailangang pagdaanan ng mga batang apektado para mabago ang kanilang isipan. Kadalasan ay wala silang malay tungkol sa pang-aabuso pero kapag naintindihan nila na ang kanilang ginagawa ay hindi normal, bumababa ang tingin nila sa kanilang sarili.
“Napakahirap ng unlearning dahil nasanay sila na ang mga magulang ang pinakamakapangyarihang tao sa kanilang buhay,” sabi ni Bolivar. “Tinutulungan namin ang mga batang ito na magkaroon ng mas mahusay na pagpapahalaga sa sarili. Pinapaintindi namin sa kanila na importante sila, na puwede pa rin silang maging somebody someday.”
Ang Pilipinas ang nangungunang pinanggagalingan ng mga malalaswang content sa buong mundo, ayon sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC). Sa katunayan, isa sa kasalukuyang nauusong hashtag ang #bagets na ginagamit ng mga taong may pagnanasang sekswal sa mga bata para maghanap ng mabibiktima.
Kaya naman para kay Maria Amparo Ventura, guro ng Moonwalk Elementary School sa Las Piñas City, kailangang magtulungan ang lahat para matigil ang OSAEC. Ayon kay Ventura, regular silang nagsasagawa ng mga webinar at orientation program para maturuan ang mga magulang at mga estudyante tungkol sa problema.
Sinabi naman ni Grace Fajardo, kinatawan ng mga magulang sa Las Piñas City Technical Vocational High School, kailangang laging bantayan ang mga anak para masiguro na hindi sila makakakita ng mga mahahalay at delikadong content online. Ibinahagi niya na mayroong mga apps na makatutulong para rito.
Gaya ng mga panauhin sa webinar, lumalaban ang Globe sa paglaganap ng OSAEC at bigyan ng proteksiyon ang mga bata sa pamamagitan ng #MakeITSafePH campaign nito noong 2017.
Namuhunan na ang kompanya ng higit $2.7 million para ma-block ang mga website na nagpo-promote ng child pornography at pamimirata. Nakikipag-ugnayan din ang Globe sa iba’t ibang organisasyon gaya ng Internet Watch Foundation (IWF), Canadian Centre for Child Protection, at SaferKidsPH.
Mayroon din itong Digital Thumbprint Program na nagtuturo ng responsableng pag-uugali at paggamit ng Internet. Makikita ang mga DTP e-modules sa https://www.youtube.com/user/GlobeCSR/playlists.
Hinihikayat din ng Globe na i-report sa Bantay Bata 163 ang anumang kaso ng pang-aabuso sa mga bata.
“Nananawagan kami sa lahat na samahan kami sa adbokasiyang ito. Patuloy ang Globe sa pagpapaigting ng mga programang layon na wakasan ang OSAEC at masigurong ligtas ang cyberspace para sa mga bata. Kailangan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan para magtagumpay tayo sa labang ito,” sabi ni Yoly Crisanto, SVP Group Corporate Communications at Chief Sustainability Officer ng Globe.
Mahigpit na sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular na ang UN SDG No. 9, na nagha-highlight sa mga tungkulin ng imprastraktura at inobasyon bilang mga mahahalagang driver ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya, at UN SDG No. 17, na nagbibigay-diin sa halaga ng mga partnership sa pagkamit ng sustainable development. Nakatuon ang Globe na itaguyod ang mga prinsipyo ng United Nations Global Compact at mag-ambag sa 10 UN SDGs.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa OSAEC at #StopOnlineChildAbuse, panoorin ang webinar sa Globe Bridging Communities Facebook page.