TINAPOS na ng House Appropriations Committee ang pagdinig sa pambansang badyet sa loob lamang ng ilang araw. Ayon sa pinuno ng komite na si Cong. Isidro Ungab, ‘in record time’ nila tinapos ang pagtalakay sa pambansang badyet dahil na rin sa hangarin ng liderato ng Kamara na maaprubahan sa Kongreso ang badyet bago mag-October 4.
Ayon kay Ungab, ipinag-utos ni Speaker Alan Cayetano na alas- singko na ng hapon umpisahan ang sesyon upang matalakay ng kanyang komite ang badyet ng hanggang apat na departamento at ahensiya ng gobyerno mula Lunes hanggang Biyernes kasama ang pagsiguro na walang ‘pork’ at ‘ille-gal insertions’ ang 2020 National Budget.
Si Speaker Cayetano rin, ani Ungab ang nagrekomenda na ang mga vice chairmen na ng komite ang magsagawa ng pagdinig sa badyet matapos pormal na buksan ni Ungab ang hearing upang mas maging mabilis ang proseso at walang masayang na oras.
Kaya naman sobra-sobra ang pasasalamat ni Ungab sa liderato ng Kamara at sa kapwa mga kongresista na tumulong sa mabilis at epektibong proseso ng budget hearings.
Pinasalamatan din niya ang mga kongresistang tumugon sa tawag ng tungkulin sa pag-aaral at pagrepaso sa isinumiteng badyet ng mga ahensiya ng gobyerno upang matukoy ang kahalagahan ng popondohang mga programa ng mga ito.
Tinukoy rin ni Ungab ang presensiya ng mga kalihim at pinuno ng mga government department at agencies sa mga budget hearing dahil mabilis na nasagot ng mga ito ang katanungan ng mga kongresista.
Kung babalikan ang mga nakaraang budget hearings sa Kamara, kadalasan ay inaabot ng hanggang ikatlong linggo ng Setyembre ang pagdinig, ngunit sa liderato ni Cayetano, natapos ang pagdinig noong Biyernes, September 6. Makasaysayan talaga.
Umpisa na rin sa Setyembre 10 ang sponsorship at floor deliberations sa HB 4228 o pambansang badyet. Target ng Kamara na mapagtibay ang panukala bago mag-October 4.
Ayon nga kay Speaker Cayetano, work, work, work ang nasa puso ngayon ng mga kongresista upang masiguro ang hangarin ni Digong na ligtas at komportableng buhay para sa mga Filipino.