PANGAKO NG DICT; PUBLIKO, MSMES MAKIKINABANG

DICT-2

KUNG tutuparin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang binitiwang pangako sa plenaryo ng Kamara kamakailan, makaaasa ang sambayanang Pilipino na sa lalong madaling panahong ay magiging mura na ang internet connection sa bansa.

Ito ang sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar 1st. Dist. Rep. Paul R. Daza, na binigyang-diin na sa panahong umiiral ang pandemya ay dapat masiguro ng pamahalaan na mayroong access sa mabilis, mura, at maaasahang internet ang mga mamamayan lalo na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nakadepende ang operasyon sa e-commerce system.

Ayon kay Daza, magagawa ng DICT na mapababa ang singil ng internet service providers sa mga customer nito sa pamamagitan lamang ng pag-aalis sa ipinapataw na Spectrum User Fees (SUF)

Paggigiit ng Northern Samar lawmaker, sa global best practice na isinusulong din ng United Nation’s International Telecommunications Union (ITU), ang Wi-Fi connections ay libre lamang na magamit ng publiko, na may kaakibat na kaukulang minimum guidelines.

Sa katunayan, ani Daza, ang mga bansa partikular ang Estados Unidos, Australia, Singapore, South Korea, at Indonesia ay nagpapatupad na ng ‘zero SUF’ sa kanilang Wi-Fi.

Kaya naman nang isalang sa plenary deliberations ang panukalang badyet ng DICT para sa susunod na taon, masusing napag-usapan ang estado ng internet access sa bansa

Ipinunto ni Daza sa DICT na ang bawat frequency na ginagamit ng ‘big three players’ ay may kaukulang lisensiya kaya marapat lamang na magkaroon ng SUF, subalit ang Wi-Fi frequencies, na ‘open’ ay kailangang mailibre sa nabanggit na bayarin.

Bilang tugon, sinabi ng DICT na gagawa ito ng kaukulang hakbang upang alisin ang SUF sa Wi-Fi spectrum.

“I’m happy to note that DICT has given its commitment to work on the scrapping of SUF for WiFi. If implemented successfully, this will be a major accomplishment of the Marcos administration,” pahayag ng House Senior Deputy Minority Leader bilang reaksiyon sa pangako ng naturang government agency.

Si Daza ang principal author ng House Bill No. 43, o ang “Sana All May Internet Act”, na ang isa sa mga pangunahing nilalayon ay ang pagbasura sa SUF sa Wi-Fi services.

ROMER R. BUTUYAN