Ngunit sabihin mang moderno na ang panahon ngayon at marami nang gadget ang nakatutulong upang mapadali ang bawat gawain, hindi pa rin ito nangangahulugang ligtas tayo sa mga nasabing gamit lalo na ang electronic gadget.
Oo, malaki ang naitutulong nito sa atin –sa pang-araw-araw na buhay, sa pagtatrabaho at maging sa negosyo – pero hindi ibig sabihin niyon, ‘di tayo mag-iingat. Dapat pa rin nating tandaan na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya, hinay-hinay lang din sa paggamit.
Bukod sa mga empleyado, isa pa ang estudyante sa kadalasang gumagamit o nangangailangan ng gadget. Nagagamit nga naman ang gadget upang mapadali ang kanilang gawain—assignment, pagre-research at paggawa ng projects.
Mahilig din sa social media ang maraming kabataan. Ilan sa mga site na kinahuhumalingan ngayon ay ang Facebook, Twitter, Instagram at maging blog site.
Sa pamamagitan din kasi ng mga ito ay naipahahayag ng isang tao ang kanilang iniisip at maging ang nadarama. Mainam din ito para sa mas madaling komunikasyon at pakikipagkaibigan.
Ngunit dahil hindi natin natitiyak ang mga site na pinupuntahan ng mga bata, narito ang kailangan nilang tandaan o dapat na ipaalala ng mga magulang:
ISAALANG-ALANG ANG PANSARILING KALIGTASAN
Sa social media ay marami tayong malalaman at mababasa. Puwedeng makabubuti iyan sa atin at maaari rin namang hindi. Sa social media rin ay makatatagpo tayo ng mga kakilala at kaibigan.
Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay masasabing ligtas tayo sa kahiligan natin sa social media.
Dahil marami ang nag-aasam na makagawa ng masama sa kapwa, kailangang mag-ingat ang kahit na sino, lalong-lalo na ang mga estudyante.
At upang mapanatiling ligtas sa nagbabantang panganib, ipaalala o sabihin sa mga anak na huwag maglalagay ng personal na impormasyon gaya ng buong pangalan, address, numero ng cellphone/telepono at higit sa lahat, pribadong mga larawan.
KILATISIN ANG MGA NAKIKIPAGKAIBIGAN BAGO I-ACCEPT
Halimbawa na lang sa Facebook, may ilan sa atin na para lang magkaroon kaagad ng maraming kaibigan, accept lang nang accept sa mga nagpi-friend request at hindi muna kinikilatis kung totoo nga ba itong tao o hindi.
Una, bago i-accept, alamin muna kung totoong tao nga ba ito. At para malaman, i-check ang Facebook nito. Tingnan kung may larawan ito. I-check din ang mga kaibigan. Kung walang picture at walang gaanong kaibigan, mag-alangan. Mag-isip muna. Maaari rin naman ang pagtatanong-tanong sa mga kakilala o kaibigan. Puwede rin kasing bago lang siya sa social media kaya’t wala pang friends. Malaki rin ang tiyansang fake ang nasabing account.
Isa pa sa dapat na iwasan ang pagbubukas ng mga email o messages mula sa hindi kilalang tao. Maaari kasing naglalaman lamang ito ng mga maseselang bagay.
HUWAG BASTA-BASTA MAKIKIPAGKITA SA MGA NAKIKILALA SA ONLINE
Isa pa sa kailangang iwasan ang pakikipagkita ng personal sa mga taong nakilala lang sa facebook.
Oo may ilan na dahil sa social networking site ay nakilala nila ang kanilang the one.
Pero kailangang maging maingat ng kahit na sino. Hindi naman kasi natin natitiyak kung masama o mabuting tao ba ang ka-chat natin.
Kung gustong makipagkita, magdala ng mga kasama. Piliin din ang lugar na maraming tao para kung anuman ang mangyari, makasisigaw at mayroong sasaklolo.
Huwag ding magpadalos-dalos at pag-isipan muna.
HUWAG PADADALA SA MGA NABABASA SA SOCIAL MEDIA
Hindi lahat ng mababasa natin o malalaman sa social media ay totoo. Marami riyan ang kathang isip lamang. Mag-research muna o magtanong-tanong bago paniwalaan ang mga nakikita at nababasa.
Sa mga magulang naman, kausapin ang mga anak at ipaalam o i-guide sila kung paano kikilatisin ang isang bagay o artikulong nakasasalamuha sa online. Mahalaga ang gampanin ng mga magulang upang hindi mapariwara o mapaniwala ang mga anak sa kung ano-anong mga nakikita at nababasa nila sa cyberspace.
Maging aware rin ang mga magulang sa ikinikilos ng anak lalo na kung mahilig ito sa social media. Baka kasi nabu-bully na ito o may mga natatanggap na pagbabanta.
Maraming paraan upang maging ligtas tayo sa cyberspace lalo na ang mga estudyante. Siyempre, kailangan din ang tamang pag-gabay ng mga magulang. At isang mainam at epektibong paraan para mapanatiling ligtas ang mga bata ay ang pagkausap sa kanila. Gayundin ang pagpaparamdam na hindi lamang tayo magulang kundi kaibigan din nila tayo na maaari nilang lapitan o kuwentuhan.
Comments are closed.