INALERTO at binalaan ng isang Catholic bishop ang publiko laban sa mga impostor na gumagamit ng kanyang pangalan upang makapanghingi ng libo-libong halaga ng cellphone load.
Ang babala ay ginawa ni Legazpi Bishop Joel Baylon matapos na makatanggap ng impormasyon na may mga tiwaling indibidwal na gumagamit ng kanyang pangalan at tumatawag sa ilang parokya at mga charitable institutions, hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa iba pang mga diocese, upang makapanghingi ng load.
Nabatid na may ilang parokya na ang nabiktima ng naturang poser, at nakakuha na umano ng mahigit P100,000 halaga ng load.
Binigyang-diin naman ni Baylon na hindi siya kailanman tatawag kahit kanino upang manghingi ng load na nagkakahalaga ng libo-libong piso.
Umapela rin ang 65-taong gulang na obispo sa sinumang makatatanggap ng tawag mula sa suspek na huwag itong bigyan ng load at sa halip ay kaagad na magsumbong sa kinauukulan para sa kaukulang aksyon.
Nagbabala pa ito na maaaring gumamit din ng pangalan ng iba pang Obispo ang naturang indibidwal kaya’t pinayuhan ang sinumang makatatanggap ng ganitong klase ng tawag na magberipika muna sa kanilang chancery.
“He has victimized many parishes already all over the Philippines,” ani Baylon. “I think he took not less than P100,000 (load worth) already using my name”.
“Don’t fall for these people. They might use other names so my suggestion is always call the chancery of the bishop and verify,” babala pa ng Obispo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.