NANGANGAMBA ang isang grupo ng mga magsasaka na lalo lamang makagulo sa presyuhan ng bigas sakaling ituloy ng Department of Agriculture (DA) ang plano nitong pagtanggal ng brand label sa imported na bigas.
Nauna rito ay inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na balak nitong alisin ang brand label ng mga bigas upang maiwasan ang pagmamanipula sa presyo ng bigas ng ibang traders, matapos mabuko sa ilang pamilihan na mataas ang presyuhan ng imported rice.
Ayon kay Raul Montemayor, ang National Manager ng Federation of Free Farmers Cooperative, madali lamang tukuyin kung saan o sino ang nagmamanipula ng bigas.
“Dine-declare ng importer na ito ang ginastos ko para papasukin ang bigas na ‘yan. So, mayroon ‘yang record sa Bureau of Customs at kailangan itong mga importer kapag nagbenta sila sa wholesaler mayroon silang resibo. ‘Yan ay ayon sa BIR (Bureau of Internal Revenue).So malalaman magkano ibinenta sa wholesaler. At ‘yung wholesaler na nagbenta sa retailer may resibo din dapat ‘yan. So madaling tukuyin saan may nagmamanipula o nagkikimkim ng kita,” sabi ni Montemayor.
Nilinaw naman ng DA na pinag- aaralan pa ang nasabing hakbang. Isa sa mga kinokonsidera ng ahensiya ay tukuyin na lang ang klase ng imported rice kung ilang porsiyento nito ang broken sa halip na lagyan ng brand.
“Ang tatanggalin lang ang mga label na special premium. Ang tatanggalin ‘yung mga dinorado, sinandoneng. ‘Yung mga specialty na bigas ‘yun ang titingnan kung alin ang ire-retain o i-simplify ‘yung mga ganyang branding or labelling. So, importante talaga kung ganito ang classification, may categorization siguro na pag ganito ang classification, ito ‘yung price range. Again, para hindi ma-short change ang ating mga kababayan.(Kung magkano ang maibaba) Titingnan natin ‘ yan. Sa ngayon kasi, by January lalo pang bababa ang presyo ng bigas sa international market. Of course, hopefully umabot sa mga pamilihan. Asahan natin na magsisimula na naman bumaba ‘yun,” sabi ni DA Spokesperson and Assistant Secretary Arnel de Mesa
Sinabi rin ni De Mesa na bagama’t pinag-aaralan pa lamang ang naturang hakbang ay posible aniyang ipatupad ito sa lalong madaling panahon .
“Actually, nagpatawag na agad ng pagpupulong sa January 3 ang ating Kalihim para pag-usapan muli itong issue na ito. At inaasahan natin na ‘yun nga, sa madaling panahon ay mailabas agad ang panuntunnan hinggil dito,” ani De Mesa.
Sa ngayon, aniya, ay malakas ang kanilang sapantaha na nagkakaroon ng pag-abuso sa presyuhan.
“So, iniiwasan natin ‘yung magkaroon ng maling pagtingin sa brand. At the same time, kino-correct natin na ganito lang ‘yung classification, ganito dapat ang price range na mayroon siya,”dagdag pa ni De Mesa.
Muli niyang nilinaw na ang balak pa lamang tanggalan ng brand label ay ang imported rice at hindi kasama ang mga local distribution.
“Kasama dito ang imported lamang. Hindi kasama rito ang local distribution. ‘Yung sa imported titingnan, ‘yung presyo ng binili sa labas ng bansa. Pagdating dito, magkano ang landed cost. At magkano ibinenta sa wholesaler, sa retailers. At sa pamilihan magkano ibinenta.Kung saan dun tayo magkakaroon ng solusyon diyan,” dagdag pa niya.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia