HINDI patungo ang Pilipinas sa recession, ayon sa kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, nagtatrabaho ang pamahalaan para labanan ang banta nito.
Sinabi ng kalihim na taglay ng bansa ang Medium-Term Fiscal Framework, socioeconomic agenda at kontrolado ang national budget, gayundin ang pagsunod sa eight-point socio-economic agenda.
“I think we’re far from it [recession]. Your economic team is trying its best. We have our Medium-Term Fiscal Framework (MTFF), our socioeconomic agenda, and a national budget that is anchored on, and funds our eight-point socioeconomic agenda,” pahayag ni Pangandaman nang makapanayam ng media sa opening ceremony ng Procurement Summit 2022 noong Huwebes.
Para sa 2023, ipinanukala ng DBM ang P5.268 trillion national budget na may basbas ni Pangulong Bongbong Marcos na bahagi ng Agenda for Prosperity ng bansa.
Ang economic team ng bansa ay susunod sa MTFF bilang blueprint na gabay sa pagbuo ng annual budget sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Ang kauna-unahang MTFF ay nananawagan para makamit ang katatagan ng short-term macro-fiscal habang nananatiling suportado ang economic recovery.
Target din na maisulong ang medium-term fiscal sustainability at mapalakas ang economic growth.
Sa ilalim ng MTFF, nilikha ng administrasyon ang 8-point Socioeconomic Agenda na kinabibilangan ng food security, improved transportation, affordable and clean energy, health care, social services, education, bureaucratic efficiency, at sound fiscal management.
Ito rin ang pangontra sa inflation, socioeconomic scarring, at low income.
“We will try to really push and open the economy. So I think we are really far from it [recession],” diin pa ni Pangandaman.
EVELYN QUIROZ