PANGAMBA SA ‘BAGONG VIRUS’ SA CHINA PINAWI NG DOH

HINDI dapat seryosohin at katakutan ang ilang social media posts hinggil sa sinasabing bagong virus na kumakalat sa China.

Mismong ang Department of Health (DOH) ang nagsabing ang ‘international health concern’ na ito ay nananatiling ‘unverified’.

Ayon sa DOH, walang kumpirmasyon mula sa China o maging sa World Health Organization (WHO) hinggil sa pagkalat ng naturang virus.

Binigyang-diin ng ahensiya na umaasa ang Pilipinas sa International Health Regulations (IHR) ng WHO upang kumpirmahin ang mga outbreaks sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kaya kung may nangyayari mang outbreaks ay malalaman umano kaagad ng bansa at mag-a-update ang DOH sa publiko.

Panawagan ng DOH sa publiko, huwag i-share ang mga kuwestiyonableng websites o online sources, at huwag magpakalat ng maling impormasyon at kalituhan.

May katotohanan man o wala ang kumakalat na ito sa social media, makabubuting palagi tayong mag-ingat at pangalagaan ang ating kalusugan.