INALIS ni Senate President Vicente Sotto ang pangamba ng mga kritiko sa panukalang pagpapalit sa sistema ng pamahalaan mula sa kasalukuyang unitary state patungo sa federal form.
Ayon sa senador, nakatuon ang kanilang atensiyon sa Bangsamoro Organic Act, dahil maituturing itong test case ng pederalismo sa mas maliit na lugar.
Dahil dito, sinabi ni Sotto na wala siyang nakikitang rason para madaliin ang pagbabago sa Saligang Batas.
“Maganda itong Bangsamoro Organic Act para masubukan natin ang mga pagbabago, then ma-apply natin. A good test case, kumbaga matatawag nating gan’un,” ani Sotto.
Matatandaang sinabi ni dating Solicitor General Florin Hilbay na nababahala silang sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ilabas ang direktiba sa mga mambabatas para mag-convene bilang Constituent Assembly (ConAss) upang mabago ang Saligang Batas.
“Hindi po ‘yan malayong mangyari dahil alam naman nating karamihan sa Congress ay kaalyado ng pangulo,” ani Hilbay.
Samantala, inamin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sa tulong ng Bangsamoro Organic Law ay mas madali nang maipapaliwang sa publiko ang pederalismo.
Sa mga nakaraang buwan kasi ay lumabas sa survey na isa lamang sa bawat apat na Filipino ang may ideya ukol sa federal government na nais mangyari ng Pangulong Duterte. VICKY CERVALES
Comments are closed.