IPINAKITA ng mga isyung lumitaw pagkatapos ng mga lindol sa Mindanao kamakailan na patuloy pa rin, na sadyang kailangang isama ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa panukalang Department of Disaster Resilience (DDR), ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda.
Ang magkasunod na lindol na yumanig sa Tulunan, Cotabato noong Oktubre 29 at Nobyembre 1 ay nag-iwan ng 16 kataong patay at mahigit 400 na nasaktan habang dalawa pa ang nawawala. Sinira rin ng lindol ang mga 3,220 impraestruktura at nagtaboy ng mga pamilya mula sa kanilang mga tahanan at tanggapan. Marami sa kanila ang lito at nag-panic. May naulat ding mga sunog at pagguho ng lupa.
Si Salceda na ‘chairman’ ng House Ways and Means Committee, at pangunahing may-akda ng DDR bill. Pinuna niyang lumitaw ang hindi magkakatugmang tugon ng marami sa mga kaganapan matapos ang mga lindol, gaya ng pagragasa at pababa ng mga call center agent mula sa ika-6 na palapag nilang kinalalagyan.
“Hindi rin naging magkakatugma ang tugon ng mga ahensiya ng gobyerno. Pahiwatig ito na sadyang kailangan ang mabisang kaalaman, wastong impormasyon mula sa pagsusuri ng mga panganib na layuning maging bahagi ng mandato at balangkas ng DDR. Magiging pangunahing ahensiya ito sa pagplano, pagbuo at pangangasiwa sa mga programang ipatutupad upang mabawasan ang mga panganib, pagbigay ng tamang babala tungkol sa banta ng mga kalamidad, at pagtugon dito, kasama na ang pagbibigay ayuda, pagbangon, pagbuo muli at pagsulong, pati ang pag-suri sa gusaling may pinsala. Higit itong magagampanan ng panukalang DDR,” ayon sa mambabatas.
“Kasama sa mga sadyang kailangan ng DDR ang Phivolcs para sa mahusay na pagsusuri ng mga kahinaan, komprehensibong tugon sa mga ito, at ‘vulnerability reduction and integrated response,” paliwanag ni Salceda. Naipasa na ng Kamara ang panukalang DDR sa nakaraang 17th Congress ngunit ginahol sa oras ang Senado na pagtibayin ito dahil sa 2018 election. Muli niya itong inihain sa 18th Congress bilang HB 30. Inendorso ni Pangulong Duterte at paglikha ng DDR sa nakaraang mga SONA niya.
Higit na magiging malakas ang kakayahan ng bansa kapag naaprubahan ang DDR. Sasaklawin at sasailalim dito ang mga pang-kalamidad na ahensiya ng pamahalaan upang ipatupad ang komprehensibong “Whole-of-Government, Whole-of-Nation and Whole of Society program approach to disaster concerns,” dagdag niya. .
Lilikhain ng DDR ang ‘Disaster Risk Analysis and Assessment Bureau (DRAAB),’ na siyang mangangasiwa sa pagsusuri ng mga panganib na kinakaharap ng mga pamayanan tungo sa pagtatatag ng tunay na maka-taong ‘Early Warning System’ sa mga pamayanan na tutuon sa mga gawaing sumusunod: 1) Pagkakaroon ng sapat na kaalaman kaugnay sa panganib, kasama ang mga pagkolekta ng mga datus at pasusuri sa mga ito; 2) Pag-monitor ng mga panganib at mga babala; 3) Pagbibigay ng wasto at malawakang babala; at 4) pagtatatag ng higit na matibay na mga pamayanan sa pamamagitan ng mga kaalaman at pagiging handa. Masugid na susubaybayan ang DRAAB ng isang ‘Scientist Undersecretary.’
Magiging buod ng ang Office of Civil Defense (OCD) ng DDR na pamumunuan ng isang Secretary na may ‘undersecretaries, assistant secretaries and directors’ sa ilalim niya. Bukod sa OCD, isasama rin sa DDR ang ‘Climate Change Commission Office; ‘Geo-Hazard Assessment and Engineering and Geology units’ ng ‘Mines and Geo-sciences Bureau’ ng DENR; ‘Health Emergency Management Bureau’ ng DOH; ‘Disaster Response Assistance and Management Bureau’ ng DSWD; at ‘Bureau of Fire Protection’ ng DILG;’ Magiging attached agencies” naman nito ang Philvocs at PAGASA na nasa ilalim ngayon ng DOST.
Isusulong at patitibayin din ng DDR ang kakayahan at ugnayan ng mga LGU at mga pambansang ahensiya. Lilikhain din nito ang ‘National Disaster Resilience Council (NDRC),’ bilang tagapayo kaugnay sa ‘disaster risks and vulnerability reduction, emergency management, and climate change adaptation.’ Itatatag din nito ang “Multi-Stakeholders Convergence Unit (MSCU) na mangangasiwa sa pag-ugnay ng mga mga inisyatibong tulong ng pribadong sektor at mga samahan sa mga programa ng DDR.
Comments are closed.