BAWAT buhay ay mahalaga – mapa-tao, hayop o halaman man, dapat pangalagaan, pahalagahan at bigyan ng proteksiyon.
Bilang mga nakatataas na uri ng nilalang, tayong mga tao ay may responsibilidad na pangalagaan ang kapakanan ng mga hayop lalo na yaong mga walang permanenteng tirahan gaya ng mga aso at pusang pagala-gala sa lansangan.
Ang mga aso at pusa na nakikita sa lansangan ay wala naman ibang hangad kundi ang makakain, makainom, at makahanap ng lugar kung saan ito maaaring matulog kapag nakararamdam ng pagod. Wala sa likas na katangian ng mga ito ang manakit ng mga tao nang walang dahilan.
Nakalulungkot lamang na sadyang mayroong mga taong walang puso at malasakit para sa mga hayop. Bagama’t likas sa mga Pilipino ang pagiging mapagmahal sa mga ito at maging sa mga halaman, marami pa ring naitatalang kaso ng kalupitan sa mga hayop. Marami pa rin ang mga ulat ukol sa mga hayop na namamatay dahil sa pagmamalupit ng mga tao sa paligid nito.
Nakababagabag ang mga balitang lumalabas ukol sa mga asong pagala-gala na pinapaslang. Kamakailan ay mayroong iniulat na balita ukol sa aso na hinahabol ng palo gamit ang makapal na kahoy ng isang lalaki sa Bulakan, Bulacan. Hindi ito tinigilang hatawin ng lalaki hanggat hindi namamatay ang pobreng aso. Kahit nakatumba na at walang buhay, patuloy pa rin itong hinampas ng salarin.
Sa paliwanag ng lalaking walang awang pumatay sa aso, wala aniyang nagmamay-ari sa aso at pagala-gala lamang ito sa lugar. Marami na raw nakagat ang aso at muntik na rin siyang mabiktima nito kaya’t napatay niya ang aso sa takot. Pinalalabas ng lalaki na self-defense ang ginawa nito subalit makikita sa video na kumakaripas ng takbo ang aso papalayo sa lalaki at natatakot sa dala nitong pamalo.
Batay sa pahayag ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), malinaw sa nakuhang video na nilabag ng lalaki ang Animal Welfare Act. Sinumang lumabag sa naturang batas ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagbayarin ng multa na hanggang P250,000.
Ayon kay PAWS Executive Director Anna Cabrera, tanging mga beterenaryo lamang ang maaaring magdesisyon kung kailangang kitilin ang buhay ng isang hayop batay sa pisikal na kalagayan nito at kung talagang maitutring itong panganib sa mga taong nakapaligid dito.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang batas ang bansa na naglalayong bigyang proteksyon ang mga hayop. Ang una ay ang Republic Act (RA 8485) o ang The Animal Welfare Act of 1998 na nagsusulong sa kapakanan ng mga hayop sa bansa. Ang ikalawa ay ang Republic Act No. 10631 na isinabatas upang baguhin ang ilang mga bahagi ng RA 8485.
Ang maganda sa nangyayari sa kasalukuyan, mas lumalawak na ang kamalayan ukol sa kahalagahan at kapakanan ng mga hayop sa bansa. Sa katunayan, ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagkaroon ng batas para sa proteksyon ng mga hayop.
Sa aking personal na opinyon, dapat mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga naturang batas dahil sa kabila ng pagkakaroon nito, mayroon pa ring mga taong sadyang mapagmalupit sa mga kawawang aso at pusa. Mas mainam kung mas pabibigatin pa ang parusa sa mga lalabag ng batas na para sa mga hayop.
Nakagagaan ng kalooban ang pagdami ng mga organisasyong gaya ng PAWS na nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga hayop. Marami rin ang talagang may malasakit sa mga hayop lalo na sa mga walang pamilyang nag-aalaga.
Marami ring mga animal advocate ang naghihikayat sa mga tao na mag-ampon ng mga aso at pusa na walang tirahan at namamalagi sa mga animal shelter sa halip na bumili ng mga bago at may magandang lahi na pusa at aso. Kung tutuusin, may maganda at mamahaling lahi man o wala ang mga aso at pusa, pareho lamang ito na may kapasidad magmahal at makapabigay ng pagmamahal sa mga tao. Pare-pareho rin itong may kakayahang matuto ng mga trick.
Bagama’t ‘di nakapagsasalita ang mga aso at pusa, mayroon itong mga paraan ng pagpapakita ng kanilang nararamdaman. Tayong mga tao na may kakayahang mag-isip at magsalita ang magsisilbing kanilang boses sa pagsusulong ng mga karapatan na hindi nila kayang isulong at ipaglaban.