NANANAWAGAN sa mga mananampalataya si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na paigtingin ang pangangalaga sa mga kabataan upang maiiwas ang mga ito sa kapahamakan.
Ayon kay Tagle, mahalagang pagtuunan ng pansin ng lipunan ang pagkalinga sa kabataan upang maging mabuting mamamayan.
“I am appealing to those people taking care of the young, Please, take good care of them,” panawagan ng Cardinal, sa ordinasyon ni Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla, kung saan nakasentro sa pagpapastol sa kawan ang tema.
Kasabay nito, ibinahagi ng Kardinal ang kuwento ng isang kabataan sa Maynila na nagbahagi sa pagtitipon noong Kapistahan ng Corpus Christi sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament.
Sinabi ni Tagle na bilang nurse sa isang pagamutan, naobserbahan nitong pinakabata sa mga nanganganak ay nasa edad 13 habang isang menor de edad naman ang nagkaroon ng infection sanhi ng pagiging sex worker.
Iginiit ni Tagle na ang labis na pagkabahala sa tila pagkaligaw ng landas ng kabataan kaya’t nararapat na paigtingin ang pagsubaybay sa mga ito.
Partikular na binanggit ni Tagle ang mga magulang na unang gumagabay sa mga anak, ang mga guro na katuwang ng magulang sa paghubog ng pagkatao ng isang bata at sobrang pagka-aktibo at exposure ng mga kabataan sa social media at makabagong teknolohiya.
“Mga magulang, mga guro, mga nasa social media, parang awa n’yo na magtulong-tulong tayo,” anang Cardinal. ANA ROSARIO HERNANDEZ