PANGANGASIWA SA PERA: MAKABIBLIYANG PARAAN

rene resurrection

“ANG KAYA­MANAN ay bunga ng karunungan.”  Dapat gawing layunin ng bawat tao na magkaroon ng karunungan dahil ito ang pinagmumulan ng kayamanan at iba pang pakinabang.  Nang si Haring Solomon ay kinausap ng Diyos, sinabi sa kanya, “Humingi ka ng anuman sa akin at ibibigay ko sa iyo.” Ang sagot ni Solomon sa Diyos ay ito, “Bigyan mo ako ng karunu­ngan para mapamahalaan ko nang mabuti ang iyong bayang ­Israel.”  Kinalugdan ng Diyos ang kanyang hiningi at sinabi sa kanya, “Dahil iyan ang hiningi mo at hindi kayamanan o pagwawagi laban sa iyong mga kaaway, ibibigay ko ang hini­ngi mo. Walang sinumang magiging mas marunong kaysa iyo.  Pati ang hindi mo hiningi – kayamanan at pagwawagi – ay ibibigay ko rin sa iyo.”  Dahil dito, na­ging pinakama­yamang hari nga si Solomon at ang bansa niya ay naging ubod nang yaman.

Sa aking palagay, dapat nating tularan ang halimbawa ni Ha­ring Solomon.  Hu­mingi tayo ng karunu­ngan mula sa Diyos.  Tiyak na bibigyan niya tayo nito, at pati ang mga magagandang bunga ng karunungan ay ibibigay rin sa atin.  Ang sabi ng Bibliya, “Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya’y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat.” (Santiago 1:5).

Um-attend ako ng Biblical Financial Seminar na bigay ng Crown Financial Ministry at Compass Philippines, at marami akong natutunang prinsipyo ng Diyos ukol sa tamang pangangasiwa ng pera. Kung gusto niyong umattend nito, kontakin ninyo si Bobby Sanchez sa 0910 764 4021.

Dapat nating una­wain na ang tamang pangangasiwa sa pera ay may epekto sa ating relasyon sa Diyos.  Ang sabi sa Lucas 16:11, “Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?”  Tinitingnan ng Diyos ang laman ng ating puso.  Ang gusto niya, ang ating unang pagmamahal ay inuukol sa kanya. Ang utos nga niya, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip. Ito ang pinakadakilang kautusan.”  Mapanibughuin ang Diyos.  Kung mayroon tayong minamahal nang higit sa kanya, nasasaktan ang kanyang kalooban.  At ang isa sa pinakamabagsik na kalaban ng Diyos para sa damdamin ng tao ay ang pera o ka­yamanan.  Ang sabi ni Jesus, “Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.”

Ang pera sa lupa ay hindi tunay na ka­yamanan; ito ay isa lang ilusyon.  Nakadepende sa ating wastong pag-iisip at pangangasiwa sa pera kung tayo ba ay pagkakatiwalaan ng Diyos ng tunay na kayamanan.  Ang tunay na kayamanan ay mga makalangit na yaman.  Ang sabi ng Bibliya, may inihahanda ang Diyos na mga tahanan sa langit, mga ka­yamanang hindi nananakaw o nasusunog; at higit sa lahat, ang ­ating walang hanggang pakikipagniig sa Diyos nang walang katapusan. Ang kayamanan sa lupa ay maituturing na hindi tunay na ka­yamanan dahil hindi ito pangwalang-hanggan.  Ito ay nananakaw at nasusunog; at kapag tayo ay mamamatay, iiwan natin ang lahat ng ito sa lupa.

Bakit mahalaga ang paksa ng kaperahan sa Bibliya?  May mahigit sa 2,350 talata sa Bibliya na may kinalaman sa pera.  Mas marami pang talata ukol sa kaperahan kaysa sa paksa ng langit. Ganoon kahalaga ang paksa ng pera para sa Diyos. Maraming katuruan ang Diyos ukol sa tamang attitude at pa­ngangasiwa ng pera.  Ang pakay ng kolum ko sa PILIPINO  Mirror na “Heto Yumayaman” ay ang ituro ang mga prinsipyo ng Diyos na mababasa sa Banal na Kasulatan.  Ang paniwala ko, ang katuruan sa pera ng mundo at sangkatauhan ay baluktot at mapanlinlang. Ang katuruan ng mundong ito ay impluwensiyado ng kaaway ng Diyos.  Mahuhulog sa pariwara ang gumagamit ng mga makamundong prinsipyo.  Para itong lason ng daga.  Ang lason ng daga ay 99% tunay na pagkain, at 1% na malupit na lason.  Sa biglang tingin, may tila magagandang sinasabi ang katuruan ng mundo; subalit may kalakip itong nakamamatay na maling aral.

Ang tamang pa­ngangasiwa sa pera ay may epekto sa relasyon natin sa Diyos. Katunggali ng Diyos ang ari-arian para sa pag-ibig ng tao. Maraming bagay sa mundo ay umiikot sa pera.  Para sa maraming tao, “Money makes the world go round.”  Kapag ang tao ay mara­ming pera, maraming bagay na ‘nagpapaligaya’ sa kanya ay maaari niyang makuha. ‘Pag maraming pera, maaari siyang magkaroon ng malaki at magarang bahay, kotse, pananamit, mga alahas.  Pati ‘pag-ibig ng mga babae’ ay makukuha ng isang mayamang lalaki (su­balit alam nating hindi tunay na pag-ibig ito).  Ginagamit ng kaaway ng Diyos ang pera para mahulog sa maraming tukso at sakuna ang mga tao.  Dapat talagang mag-ingat tayo na pag-aralan ang tamang mga katuruan ukol sa pera.



Tandaan: Sa kakasingko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.