PANGANIB NG E-CIGARETTES MULING IBINABALA NG DOH

E-CIGARETTES

NAGBABALANG muli kahapon sa publiko ang Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at me­dical society, hinggil sa mga panganib na dulot sa kalusugan ng paggamit ng electronic cigarettes (e-cigarettes).

Pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III na base sa mga pag-aaral ay walang katotohanan ang ulat na hindi mapanganib sa kalusugan ang e-cigarettes, kumpara sa sigarilyo, at hindi rin umano totoo na kaunti  lamang ang halo nitong nakalalasong kemikal.

Babala pa ng kalihim, hindi lamang sa gumagamit nito mapanganib ang e-cigarettes kundi maging sa mga hindi gumagamit nito, ngunit nakalalanghap ng second-hand smoke nito.

Malinaw rin aniya na hindi para sa mga bata ang e-cigarettes.

“Electronic cigarettes and heated tobacco products are sold in the market as alternative for smokers trying to wean themselves off tobacco.  Some studies claim that they contain fewer toxic chemicals and are less harmful alternatives to cigarettes,” ayon kay Duque.

“We do not support their claim of reduced harm. These products endanger the health of both users and non-users, and are clearly not meant for children,” aniya pa.

Kaugnay nito, bilang tugon naman sa epidemic sa US sanhi ng e-cigarettes, ipakikilala ng WHO ang International Classification of Disease (ICD)10 Code U07.0, isang international tool para maklasipika at ma-monitor ang malalang sakit na dala ng pasyente sa loob ng 90 araw.

Ayon kay Duque,  naiulat na sa US ang pagtaas ng bilang ng mga sakit na may kinalaman sa paggamit ng e-cigarette nitong mga nakalipas na buwan kung saan karamihan ay mga kabataan.

Iniimbestigahan na ng US Center for Disease Control and Prevention at ng US Food and Drug Administration ang may 1,299 indibidwal na hinihinalang nagkasakit dahil sa e-cigarettes,  gayundin ang pagkamatay ng 26  katao.

Bilang suporta naman sa pagsusumikap ng US na mapigilan ang mga sakit na likha ng e-cigarettes, inatasan ni Duque ang lahat ng government, private hospitals, clinic at iba pang health facility na gumamit ng tamang codes para sa vaping related-disease  at gamitin ang umiiral na health in-formation system.

Sakali namang gumamit ng e-cigarettes at iba pang vaping products at nakakaramdam ng mga sintomas ng sakit sa respiratory system ay dapat nang kumonsulta agad ang mga ito sa doktor.

“People who have recently used e-cigarettes or other vaping products should immediately seek medical attention, if they develop respiratory symptoms,” pagtatapos pa ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.