PANGANIB SA DEMOKRASYA ANG PI NI ROMUALDEZ

KAHIT sinabi na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na itigil na ang “People’s Initiative” (PI) na isinusulong ng House of Romualdez, kasi ito ay “divisive,” sige pa rin ang mga kaalyado ni Speaker Martin Romualdez sa pagsusulong nito.

Sa simula, lantaran si Speaker Martin sa PI, pero nang sabihin ng pinsang-buo niyang si PBBM na itigil na iyon, biglang urong at sinabi na wala raw siyang kinalaman sa pamimigay ng ayuda at pera, kapalit ng pirma sa PI upang sila, mismo sa Kamara ang kumalikot sa Constitution at palitan ng parliamentary system ang gobyerno natin.

Pakana ng Kamawa, ietsapuwera ang Senado, at sila-sila na mga Tambalolos ang mag-charter change (Cha-Cha) upang maiupong Prime Minister si Espiker Martin.

Nabuko ito, kaya nakipagkita si Senate Pres. Migz Zubiri kay Pres Marcos na sinabi, ang Senate na ang magsulong ng sariling Cha-Cha, kasi sa pakana ni Romualdez, mabubura ang Senado.

Dating senador si PBBM at ayaw niya, sabi kay Migz na mabura ang Senado.

So, ano ang nangyari: Lunes, Enero 22, pinagtibay ng 24 na senador ang isang manifesto na sinisibak ang PI, kasi, ito nga ay magbabalewala sa Senado at divisive nga o magiging dahilan ng paghahati at paghihiwa-hiwalay ng taumbayan, lalo na ang mga partido politikal at mga politiko.

Banta o panganib ito sa demokrasya, kaya ni-reject o tinadyakan na ng Senado, sabi ni Sir Migz.
Sabi ni Sen. Bato dela Rosa, itong PI ni Romualdez ay “politicians’ initiative,” na idinepensa ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda na itong PI nila ay idinadaan sa legal na proseso na kung pagtibayin ng taumbayan, walang magagawa ang House at Senado sa gusto ng makapangyarihang Pilipino na baguhin ang Constitution.

Ultimately, sabi ni Rep. Salceda, “…, over and above the House and the Senate, the people are supreme and sovereign.”

‘Pag nakuha ang 12 percent na boto ng lahat ng registered voters nationwide at 3 percent per district, at makuha ang “Yes” votes sa plebiscite, kikilos ang House na kutingtingin ang Constitution, estsapuwera na ang Senado, kasi mangyayari na magbobotohan nang magkasama ang Kamara at Senado.

Paano mananalo ang 24 senador sa mahigit na 300 kongresista ng Kamara? Giyera na ito, kasi, kung mangyari ang gusto ni Espiker Martin, kokontrahin ito ni Sir Migz sa Supreme Court sa tulong ni Minority Leader Bar Topnotcher Aquilino Pimentel III.

Magandang bakbakan ito at kaabang-abang.

o0o

Teka, lantad na ang pagkabuwiset ni Sen. Ate Imee sa pinsang si Martin na bakit daw nito inaaway ang mga Duterte e hindi naman sila nakikipag-away.

Sabi pa ng senadora, may korapsiyon, kasi isinasabay ang pagpirma sa PI, sa pamimigay ng ayuda ng DSWD, TUPAD at iba pa, na may kasamang incentives kuno na pera, mula P100 pataas na halaga.

At bakit daw, pumapayag ang DSWD na pakasangkapan sa PI ng House, tanong ni Ate Imee, at bakit daw, kasi sinabi na ng kapatid niyang si PBBM na itigil na ang PI ng Kamara, sige pa rin si Romualdez sa pagpapapirma.

Nagsimula raw ang gulo at divisiveness, sabi ni Sen. Imee at ng mga kaalyado niya, sa pag-aambisyon ni Romualdez, una, pinatalksik si Rep. Gloria Arroyo bilang senior deputy speaker, inupakan si VP Inday Sara sa pag-aalis ng confidential at intel fund at pagbabawas sa pondo ng DepEd na ito ang secretary, tapos ang pag-upak kay dating Pres. Digong Duterte.

Gumawa ng resolution ang Kamara na payagang papasukin ang International Criminal Court (ICC) para usigin si Tatay Digong sa madugong war on drugs, kahit sinabi na ni Prez. Bongbong na ayaw niya at walang pakialam ang ICC sa sovereignty ng Pilipinas.

Nakakahiya, sabi ni Sen. Imee at ni PBBM, na payagang makialam ang ICC sa kung paano patatakbuhin ang hustisya sa ating bansa.

Kung uusigin si dating Prez. Duterte, ito ay sa kapangyarihan at ilalim ng korte ng Pilipinas, hindi ng ICC, bukod sa wala itong jurisdiction sa sistema at proseso ng katarungan sa Pilipinas.

Pero sa kabila nito, sige pa rin si Speaker Martin sa patalikod at harapang pagsusulong ng gusto nitong PI at sa pagpayag na usigin si Digong, pati si VP Sara sa extra judicial killings daw noong mayor si Inday ng Davao City.

Wasak na ang UniTeam, kahit pa itinatanggi ito ng pamilya Marcos-Romualdez at Duterte, kakampi si Sen. Imee.

o0o

KUNG hindi mo ito alam, BuCor chief, Director Gen. Gregorio Catapang, puwes, may sasabihin ako sa iyo: isang tao mo, ang umano’y ginugulangan po kayo, iniisahan po kayo, at ginago.

Kaya natin ito sinasabi ngayon, e ayaw natin na ginagawa kayong tanga ng tao mo na ito — sabi ng ating spy sa Bucor — ay mataas na opisyal ng kawanihan mo, Gen. Catapang.

Itong taong ito na sabi ay mas “matapang” pa kay Gen. Catapang, ay ano raw … mukhang pera at minamaniobra ang bidding at procurement process para masolo ang pagsu-supply ng pagkain para sa mga bilanggo.

May nanalo na sa bidding, ayos na, approved na ang procurement papers, pero ang nanalong bidder, hindi makakilos, DG Catapang, kasi itong tao mo na ito, ayaw sa nanalong bidder at gusto, ibigay sa kanyang kursunadang supplier.

Hmmm, baka may “cash-sunduan” na yung BuCor official na ito sa kanyang paboritong supplier, aba, sayang din naman, ang magaganansiyang komisyon.

Sana naman ay maagapan ito ni BuCor Chief DG Gregorio Catapang at malaking kahihiyan to sa BuCor kung sakali.

Di ba may utos si Justice Sec. Boying Remulla na ayusin, linisin at paghusayin ang lahat ng proseso sa bidding, procurement ng mga supplies sa Bucor, kasama rito ang pagkain.

Naku, pag nalaman ito si Sec. Remulla, sa dami ng problema na hinaharap sa Department of Justice, baka mabugnot at mabuwisit siya, magkarambulan ang mga posisyon sa BuCor.

Abangan!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].