ALAM ng halos lahat sa atin kung paano dapat mag-ingat ngayong tag-init, lalo na kung sanay tayo sa tindi ng init sa tag-araw sa mga lugar na kagaya ng Pilipinas. Sa pagtatapos ng buwan ng Marso at habang naghahanda tayo sa pagdating ng mas maiinit na mga araw ng Abril at Mayo, pagtuunan natin ng pansin ang mga panganib na hinaharap ng mga manggagawa kaugnay ng panahon ng tag-araw.
Ang fatigue o pagkapagal ay isa sa dapat bantayan kung ang mga manggagawa at empleyado ang pag-uusapan. Kung ika’y nagtatrabaho nang matagal sa labas, kagaya ng mga delivery riders at courier boys natin, dapat alam mo na mas malapit ka sa dehydration. Ito ay ang pagkaubos o kakulangan ng tubig sa ating katawan dahil sa sobrang pagpapawis. Nakaaapekto ang fatigue sa ating atensyon, pag-iisip at pagdedesisyon kaya ang mga nagda-drive, nagtatrabaho sa mga kalsada at gusali, o mga nagpapatakbo ng malalaking makina ay dapat na magdoble-ingat.
Upang maiwasan ito, huwag magtagal sa init ng araw at siguruhing umiinom ka ng maraming tubig. Puwede ring inumin ang mga sports drinks dahil mas mabilis itong naa-absorb ng ating katawan. Magdala rin ng maalat na kutkutin para madaling mapalitan ang nawalang sodium at electrolytes dahil sa pagpapawis.
Ang rashes (bungang araw) at pamimitig ng kalamnan o pulikat ay maaaring mangyari dahil sa sobrang init, lalo na kung ang lugar na iyong pinagtatrabahuhan ay maalinsangan. Kung hindi ito matutugunan, puwedeng ma-heat stroke ang isang taong nasa ganitong sitwasyon. Medical emergency ang heat stroke kaya kailangang umiwas sa pagtatrabaho sa labas sa mga oras na tirik na tirik ang araw, mag-break kung kinakailangan, at uminom ng maraming tubig. Dapat i-train ng mga kompanya ang kanilang mga empleyado upang matutong kumilala sa mga sintomas ng heat stroke, dehydration, at iba pa, at para malaman din nila kung ano ang dapat gawin sa ganitong mga pagkakataon. Maaaring sariling buhay nila o buhay ng katrabaho ang mailigtas kung may ganitong uri ng kaalaman.
(Itutuloy…)