PANGARAP NA KAPAYAPAAN

HINDI pa man nalalagpasan ng pandaigdigang ekonomiya ang mga epektong dulot ng pandemya ay ito na naman tayo at bagong banta sa ating seguridad, kapayapaan, at sa katatagan ng ating ekonomiya ang kinakaharap natin ngayon sa pagputok ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Nakita at naramdaman na natin ang direktang epekto nitong mga nakaraang araw sa pagbaba ng stock market at cryptocurrencies at sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Usap-usapan na ang epekto nito sa implasyon na inaasahan na sana nating unti-unting makakabawi ngunit mukhang hindi pa yata mangyayari iyon.

Alam din ng marami na isa ang Russia sa mga bansang may hawak ng produksyon ng langis at gasolina kaya’t siguradong may epekto nga ito sa presyo ng krudo at halaga ng bilihan. Apektado ang supply chain sa buong mundo at ang paggalaw hindi lamang ng mga produkto kundi pati ng mga tao.

At kapag mataas ang presyo ng krudo, alam na natin ang kasunod nito. Hindi na nga halos magkandaugaga ang mahihirap sa pagtugon sa mga batayang pangangailangan ng pamilya, heto at kailangan na namang lalong maghigpit ng sinturon. Siguradong apektado rin ang iba pang mga industriya, ang paggasta ng tao, at ang GDP.

Iba’t-iba ang haka-haka sa kung ano ang mangyayari sa digmaan, ngunit, sa aking palagay, anuman ang kahinatnan ng gulo ay importante pa ring makapaghanda tayo nang maaga. Asahan at paghandaan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at pati ng mga interest rates. Siguruhin ang ating liquidity at siguraduhing gumagastos tayo sa mga pangangailangan at mahahalagang gastusin lamang.
(Itutuloy…)