(Pagpapatuloy…)
Samantalahin natin ang pagluwag ng sitwasyon kaugnay ng pandemya upang magtrabaho at maghanap ng mga oportunidad upang umunlad. Maaari nating dagdagan ang ating ipon at investments sa mga real assets at matatatag na merkado. Mahalaga ring tumulong tayong masuportahan ang ekonomiya at mga industriya sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga negosyong lokal at pakikipagtulungan sa isa’t-isa sa abot ng ating makakaya.
Dapat din nating tandaan na sa ganitong mga pagkakataon, ang mahihirap lagi ang lubhang apektado.
Sila rin ang pinakamahina sapagkat wala silang kakayahan upang protektahan ang kanilang sarili mula sa epekto ng mga ganitong sitwasyon.
Kailangang mapag-aralan ng pamahalaan ang mga maaaring maganap upang handa ito sakaling kailanganin ng tao ang tulong ng gobyerno.
May mga nagsasabing puwedeng lumakas ang loob ng China na sakupin ang Taiwan dahil sa ginawa ng Russia sa Ukraine. Ang iba naman ay nag-aalala dahil mayroong nuclear weapons ang Russia at hindi umano imposibleng gamitin ito sa digmaan.
Habang nagmamatyag ang buong mundo araw-araw sa mga kaganapan sa mga bansang ito, gaya ng iba ay iniisip natin kung gaano kaya tatagal ang giyerang ito at kung gaano kalala o kaseryoso ang mga epekto para sa lahat.
Hinihintay rin natin ang aksiyon o tugon ng ibang mga bansa, lalo na ng Estados Unidos, upang malaman din kung ano-ano ang mga sanctions na ipapataw sa Russia, o kung ang Amerika ba at ang iba pang mga bansa ay gagawa ng hakbang upang unti-unting malusaw ang tensyon sa lugar. Kaisa ako ng buong mundo na umaasang magkakaroon ng mapayapang katapusan ang krisis na ito.