PANGASINAN NASA ILALIM NA NG STATE OF CALAMITY

PANGASINAN- IDINEKLARA ng lokal na pamahalaan dito ang state of calamity matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Egay at Typhoon Falcon at ang umiiral na southwest monsoon.

Pinagtibay ng Sangguniang Bayan (municipal council), sa pamamagitan ng rekomendasyon ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, ang Resolution 475 noong Sabado, na inilagay na ang nasabing bayan sa ilalim ng state of calamity.

“Itinuring ng SB na kinakailangang ideklara ang munisipalidad ng Lingayen sa ilalim ng state of calamity upang magamit ang quick response fund para mabigyan ng tulong ang mga biktima ng mga sumunod na bagyo at habagat,” nakapaloob sa resolusyon.

Sinabi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, napag-alaman na lahat ng 32 barangay ng bayan ay naapektuhan ng pagbaha.

Hindi bababa sa 12,663 pamilya o 51,455 indibidwal ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nasa 11 bahay ang nasira at isa ang nawasak, kaugnay nito ay mahigit sa P 47 milyong halaga ng agriculture ang winasak ng super typhoon Egay at bagyong Falcon.

Ang lokal na pamahalaan ng Municipal Social Welfare and Development Office ay namahagi ng P349,300 halaga ng food assistance, at P15,200 na gamot at mahigit sa 200 bag na bigas sa mga apektadong barangay. EVELYN GARCIA