CAMARINES SUR – NASAWATA ng Philippine Army 49th Infantry (GOOD SAMARITANS) Battalion ang tangkang panggugulo ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) kasunod ng naganap na sagupaan sa Sitio Lilibdon, Barangay Maogog, Jovellar, Albay bago magbukas ang botohan kamakalawa ng umaga.
Kaugnay ito nang mas pinalawig na seguridad ng gobyerno para sa idinaos na National and Local Elections.
Ayon sa report, ikinasa ng 49IB sa tulong ng Philippine National Police (PNP) ang isang operasyon matapos magbigay ng impormasyon ang mga nangangalit na residente, ukol sa presensya ng limang armadong kalalakihan sa nasabing barangay na nagtatangkang manggulo sa proseso ng halalan.
Ayon kay Lt.C. Benjamin Tapnio, Commander ng 49IB, nagbunga ang nasabing operasyon sa walong minutong palitan ng putok at pagkakakumpiska sa ilang mga kagamitan at armas kabilang na ang isang M16 rifle, isang Cal. 45, ilang mga bala, sari-saring kagamitang pangkomunikasyon, at mga maka-teroristang kagamitan pang propaganda at personal na kagamitan ng mga terorista.
Sa ngayon mahigpit na binabantayan ni Col. Edmundo Peralta, Commander ng 902nd Infantry (FIGHT and SERVE) Brigade ang nasabing lugar.
Samantala, nagpahayag naman si Brig Gen Mario Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5) ng kanilang mas pinaigting na suporta sa kampanya ng army sa rehiyon kontra sa panggugulo ng CTG.
“Ang pangyayaring ito ay patotoo lamang sa mas pinatibay na pakikipag-ugnayan at suporta ng komunidad laban sa CTG, gayundin sa mas pinalakas na seguridad ng gobyerno ngayong Halalan 2022.
Sa ating mga botante, mas maging masiyasat tayo sa pagbabantay sa ating kalayaan sa pagboto; wag nating hayaan na mangibabaw ang pananakot ng mga teroristang NPA, lagi pong nakahanda ang tropa ng gobyerno na kayo’y protektahan maging ang proseso ng National and Local Election 2022,” ani Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB).
Matatandaang, pinamunuan ni Luna ang pagtatalaga sa mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Bicol nitong Mayo 4 na siyang magsisilbing mga tagapamayapa at tagapangalaga sa proseso ng eleksyon kontra sa presensya ng mga nagtatangkang manggulo, lalong lalo na ang CTG.VERLIN RUIZ