Pangmatagalang kapayapaan hangad ni Bongbong para sa bansa, todong suporta ibibigay sa NTF- ELCAC

bong bong marcos

Buong suporta ang pangakong ibibigay ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. para sa National Task Force to End Local Communist (NTF-ELCAC) sa laban nito para wakasan ang  kaguluhan dulot ng mga rebelde at sinisiguro rin niya ang dagdag na pondo, kung siya ang mananalo sa darating na halalan.

Matatandaan na nauna nang binatikos ni Marcos Jr. ang desisyon ng Senate Finance Committee na bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC, dahil aniya ay  baka masayang ang mga tagumpay na natamo ng pamahalaan sa pagsugpo ng insurhensiya.

Sa kanyang unang panayam matapos ang isang linggong pagpapagaling, pinuri ni Marcos ang mahusay na pagganap ng anti-insurgency body sa kanilang tungkulin kahit pa nabawasan ng P4 bilyon ang kanila sanang P28.12 bilyon na pondo para sa 2022.

Binigyang diin ni Marcos ang mahalagang papel ng NTF-ELCAC sa pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan sa mga rebel returnees pati ang pagbibigay ng pagkakataong muli silang mapabilang sa lipunan bilang mabubuting mamamayan sumusunod sa batas.

“Maganda, maganda ang NTF-ELCAC.  Even if nabawasan ang kanilang budget, hindi nagbago.  Nakakatulong talaga.  I think we should continue that.  It is something that I see na may effect na medyo maganda at nabibigyan ng pagkakataon ( ang mga rebelde) na maghanap-buhay and to rejoin the society,” sabi ni Marcos.

Nangako si Marcos na kanyang bibigyan ng dagdag suporta ang Support to Barangay Development Program ng task force na naglalayon na makapagbigay ng P20 milyon sa mga komunidad na napalaya ng pamahalaan sa kamay ng mga komunistang grupo.

Iba’t-ibang lokal na lider ang nagpahayag na ang programa ng NTF-ELCAC ay isang epektibong paraan upang mapaunlad ang mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan at matugunan ang ugat ng rebelyon.

“We have to invest in success.  Kung successful ‘yung programa eh dun tayo maglagay ng pondo.  Ipagpatuloy natin ‘yung kanilang ginagawa,” diin ni Marcos.

Kinondena rin ni Marcos ang laos ng ideolohiyang inilalako ng mga lokal na grupong terorista tulad ng CCP-NPA –NDF upang makahikayat ng mga walang muwang at malay na tagasunod.

Idinagdag niya na wala ng sumusuporta sa grupo.

“If they continue in their wish to overthrow the government by violent means, how can I be on their side?  Besides, the ideology that they are espousing no longer has much support,” dagdag niya.

Noong 2021, mahigit 822 barangay sa buong bansa ang nakinabang sa Support to Barangay Development program.

Samantala, para sa 2022, nilalayon ng NTF-ELCAC na pataasin ang saklaw ng programa sa 1,406 na mga barangay.