ISANG malaking kabalintunaan na patuloy tayong nagkukunwari at naniniwalang maraming solusyon para malutas ang malalang trapiko sa Kamaynilaan. Kailangan lang daw ng istriktong pagpapatupad ng batas-trapiko, paggawa ng mas maraming kalye at tulay, at ang pagmomodernisa ng imprastrakturang pangtransportasyon. Kung titingnang mabuti, lahat ng solusyong ito ay siyang kasagutan sa problema ng trapiko, na sana’y matagal nang naipatupad at isinagawa bago pa lumala ang daloy ng trapiko, pero ang masakit na katotohanan, hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin tayo sa araw-araw na pagbubuhol ng trapiko sa Maynila.
Sa pag-aaral na inilabas ng Boston Consulting Group (BCG) kamakailan lamang, ang mga motorista sa Kamaynilaan ay tinatayang naiipit sa trapiko kada araw ng aabot sa 66 minuto. Dahil dito, nasa pangatlong puwesto ang Maynila sa may pinakamalalang trapiko sa rehiyon, kasunod ng Bangkok (72 minuto) at Jakarta (68 minuto).
Ang pagkakaipit ng mga Pinoy sa trapiko ay may malaking epekto sa ating pamumuhay at ekonomiya. Ayon sa Japan International Cooperating Agency (JICA), umaabot sa P3.5 bilyon ang nasasayang na oportunidad kada araw, at kung ‘di magkakaroon ng kongkretong solusyon, puwedeng lumobo ito sa P6 bilyon sa 2030!
Natatandaan ko pa ang baluktot na rason ng isang kalihim ng transportasyon noong nakaraang administrasyon na ang malalang trapiko raw ay senyales ng isang ekonomiyang patuloy na lumalago. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang lohikang ito. Sa tingin ko ay palusot lang niya ang rason para umiwas sa sisi ng taumbayan sa kapabayaan ng departamento niyang bigyan ng kalutasan ang malalang trapiko.
Masyado yatang simple ang lohikang ito kasi bakit ang mga bansang Singapore at Hong Kong na mas maunlad sa atin ay ‘di kasing lala ng trapiko sa Maynila? Wala na ba talagang pag-asa na maibsan ang problema sa trapiko, eh kung ganon ano pa ang saysay ng Kagawaran ng Transportasyon?
Patong-patong na dahilan
Kung susuriin nating maigi, maraming dahilan na nagpatong-patong na kaya lumala ang trapiko sa Kamaynilaan. Nagkapatong-patong na ang mga ito dahil sa masamang kondisyon ng mga pampublikong transportasyon, pati na rin ang sobrang dami ng sasakyan sa ating mga lansangan.
Dahil sa sobrang sama ng pampublikong transportasyon, ang nakitang alternatibo ng mga nakaaangat sa buhay ay bumili ng hanggang dalawang sasakyan para makaiwas sa ipinatutupad na number coding system. Ayon sa pag-aaral ng BCG, 84% ng residente sa Maynila ay nagbabalak bumili ng pribadong sasakyan sa loob ng limang taon! Lalong dadami ang sasakyan sa kalye kaya malamang magmistulang malaking parking lot ang EDSA!
Hindi rin natin masisisi ang mga nakaaangat sa buhay na bumili ng kanilang sasakyan kasi papayagan ba nilang pumila ng pagkahaba-haba ang kanilang mga anak sa mga istayon ng MRT para pumasok sa paaralan o mga opisina? Hindi rin sigurado na makararating sila sa takdang oras kung sumakay sila ng MRT kasi panay rin ang pagtirik nito.
Hindi rin kaaya-ayang alternatibo ang sumakay ng pampublikong bus na may mga pasaway na tsuper na ibinabalandra ang kanilang mga sasakyan nang walang pakundangan sa mga intersection para mapuno sila ng mga pasahero. Ang resulta, lalong kumikipot ang daan para sa ibang sasakyan.
Bukod sa sobrang dami na ng sasakyan sa ating mga kalye, masamang lagay ng pampublikong transportasyon, idagdag pa ang kakulangan ng disiplina ng mga motorista lalo na sa kahabaan ng EDSA, magtataka pa ba tayo kung bakit naimbento ang tinatawag na carmaggedon ngayon?
Sa madaling salita, hindi dahil sa iisang isyu kaya lumala ang trapiko, at hindi rin iisang kongkretong aksiyon ang maaaring lumutas sa problemang ito.
Kongkretong solusyon kailangan
Ang tanong natin marahil ay kailangan ba talagang gumawa ng mga bagong kalsada ang gobyerno para may madaanan ang dumaraming sasakyan sa Kamaynilaan? Kabaligtaran ang sagot ng mga urban planners at traffic engineers na nagsasabing ang madaming kalsada ang dahilan kaya nagkakatrapik. Ayon pa sa kanila, mas maraming kalsada, mas marami ring sasakyan, mas kaunting kalsada, mas kaunti ang trapik. Mukhang may lohika ang kanilang kaisipan.
Ganyan din ang paniwala ng maraming development organizations kagaya ng Asian Development Bank na nagsabi na ang problema sa trapiko sa urban areas ay hindi malulutas ng paggawa lamang ng mga bagong kalsada.
Marahil ay dapat nating suriin kung paano nagawa ng Jakarta na engganyuhin ang kanilang mamamayan na mag-car pooling kaysa magdala ng sasakyan. May mga ganitong batas lansangan na sa ilang kalye sa Pasig, seguro dapat itong istriktong ipatupad sa kahabaan ng EDSA.
Marahil ay dapat ding pag-isipang mabuti ng administrasyon kung paano magkaroon ng solusyon upang makarating ang mananakay sa kanilang destinasyon at hindi lang paano makararating ang isang sasakyan sa patutunguhan nito.
Ayon sa isang urban planner, ang transportasyon ay isyung pantao, kung paano makapagbiyahe nang maayos ang mga mananakay sa pinili nilang pampublikong transportasyon. Sa madaling salita, ang pangmahabaang solusyon ay dapat magkaroon ng mas maayos na pampublikong transportasyon, murang pabahay, at mas kakaunting populasyon sa Maynila.
Sa ibang bansa, ang mga paaralan ay itinatayo sa labas ng siyudad pero dito sa Maynila, ang maling lokasyon ng mga paaralan ay nagsasanhi ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko. Subukan ninyong dumaan ng Ortigas, Taft Ave., at Katipunan sa araw na may pasok ang mga paaralan at malalaman ninyo ang ibig kong sabihin.
Ang isa pang solusyon na dapat ikonsidera ng administrasyon para malutas ang pagsisikip ng trapiko sa Maynila ay ang paglilipat ng mga opisina ng departamento ng gobyerno, kasama na ang Malakanyang, Kongreso at Senado sa labas ng Maynila. Ganyan ang ginawa ng bansang Myanmar at Malaysia at lumuwag ang trapiko sa kanilang mga siyudad.
Panahon pa ni Pangulong Marcos nang magplano na ilipat ang sentro ng pamahalaan sa labas ng Maynila. Sinubukan itong buhayin noong panahon ni Pangulong Ramos, pero parehong nabigong isakatuparan. Marahil alam na ninyo ang dahilan kagaya ng nasa isip ko.
Sana nga ay gumawa ng kongkretong plano na pangmatagalan ang mga opisyal ng ating gobyerno. Mayroon na raw ‘dream plan’ ang pamahalaan pero hanggang ngayon ay mistulang ‘panaginip’ pa rin ang mga ito. Kung patuloy silang magbubulag-bulagan, marahil ay maaari nating gawing isyu ang malalang trapiko sa nalalapit na national election sa susunod na taon.
Kailangan natin ng maayos na pamahalaan na magbibigay sa atin ng mas maginhawang buhay.
Comments are closed.