IPINAMALAS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tunay na malasakit sa mga magsasaka at mangingisda ng Sulu sa pamamagitan ng personal na paghatid ng 10 milyong pisong halaga ng presidential assistance.
Ito ay isang malinaw na hakbang upang matugunan ang matinding epekto ng El Niño sa rehiyon, na nag-iwan ng pinsala sa pananim na nagkakahalaga ng 5.3 milyong piso at apektado ang 912 magsasaka.
Umaasa ang Pangulo na ang ibinigay na tulong ay makapagpapalakas sa kabuhayan ng mga naapektuhang pamilya.
Ipinahayag niya ang kanyang determinasyon na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga mamamayan ng Sulu sa pagharap sa mga pagsubok at sa kanilang muling pagbangon mula sa pinsalang dulot ng tagtuyot.
Kaugnay nito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga mamamayan ng Sulu na lumapit sa mga tanggapan ng pamahalaan para sa kanilang mga pangangailangan, at tiniyak niya na handa silang pakinggan.
Ang mensaheng ito ay nagbigay ng pag-asa sa mga residente ng Sulu, na alam nilang hindi sila nag-iisa sa kanilang laban.
Kasama ng presidential assistance, nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig-P10,000 sa bawat isa sa 5,000 magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) Program.
Bukod dito, nagkaloob din ang DSWD ng mga makinarya at inputs sa pagsasaka.
Siniguro rin ng ahensya na handa na ang higit 3,000 family food packs at iba pang non-food items na nagkakahalaga ng 2.55 milyong piso bilang paghahanda sa mga darating pang pag-ulan.
Ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa nagdaang krisis ay isang patunay ng dedikasyon nito sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino.
Sa kabila ng mga hamon na dala ng kalikasan, ang mga hakbang na ito ay nagbigay ng pag-asa at panibagong sigla sa mga magsasaka, mangingisda at sa kanilang mga pamilya.
At sa tulong ng pamahalaan at sama-samang pagtutulungan, tiyak na malalampasan nila ang pagsubok na ito at muling makakabangon ang kanilang kabuhayan.