PANGUNAHING SERBISYONG PANGKALUSUGAN SA MGA MAHIHIRAP, MALALAYONG KOMUNIDAD, PINURI

MULING iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako sa pagpapalawak ng mga pampublikong pasilidad sa kalusugan sa buong bansa at pagpapabuti ng access ng mga Pilipino sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan, lalo na sa mga mahihirap, kanayunan o malalayong komunidad, nang magsimula ang mga bagong Super Health Center sa Barangay Digkilaan, Iligan Cityat bayan ng Tagoloan sa Lanao del Norte noong Lunes, Pebrero 13.

Sa kanyang video message, sinabi ni Go, Chair ng Senate Committee on Health and Demography, na siya ay optimistic na ang Super Health Centers ay bubuksan sa buong bansa upang matulungan ang maraming Filipino sa medical services.

“Layunin po ng mga centers na ito na mas ilapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa liblib na lugar at pinakanangangailangan ng mga ito,” paliwanag ni Go.

“Sa pamamagitan nito, hindi na nila kailangang pumunta sa mga malalaking ospital na kadalasan ay nasa mga siyudad kung wala namang malalang sakit,” dagdag nito.

Kasama sa inaalok ng Super Health Centers ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Kasama pa ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine.

Noong 2022, sinuportahan ni Go ang konstruksiyon ng Super Health Center sa Iligan City na nasa Brgy. Del Carmen, bukod sa nasa Brgy. Digkilaan. Itatayo rin ang Super Health Centers sa mga bayan ng Munai, Sapad, Baloi at Lala sa Lanao Del Norte.

“Sabi ko nga, now is the time to really invest in our healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung kailan dadating ang susunod,” paliwanag ni Go.

“Talaga pong nabigla ang ating healthcare nu’ng dumating ang pandemya kaya naman pursigido po talaga ako na palakasin pa po ito sa abot ng aking makakaya. Dapat po talaga palagi tayong one-step ahead,” patuloy nito.

Sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go, may 307 SHC ang napondohan noong 2022. Nauna ring matagumpay na naisulong ng senador ang sapat na pondo para sa 322 pang mga SHC na maitatag sa ibang bahagi ng bansa sa Health Facilities Enhancement Program ng DOH ngayong taon.

Samantala, nag-alok ng karagdagang tulong ang senador sa mga nangangailangan ng pangangalaga sa ospital.

Hinikayat din niya ang mga ito na bisitahin ang Malasakit Centers sa Gregorio T. Lluch Memorial Hospital (GTLMH) sa Iligan City at sa Pakpak Medical Center na matatagpuan sa karatig na Marawi City sakaling mangailangan sila ng tulong medikal at pinansyal mula sa gobyerno.