PANIBAGONG BALASAHAN SA PNP NAKAAMBA

INAASAHAN na ngayon ang panibagong bugso ng balasahan sa hanay ng mga senior officer ng Philippine National Police (PNP).

Mismong si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang nagsabing may nakatakdang balasahan sa organisasyon kasunod ng pagreretiro ni PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, nitong nakalipas na linggo.

Bunsod ng nabakanteng pwesto ni Sermonia, na nagretiro noong Biyernes ay lumikha ito ng bakanteng posisyon na pagmumulan ng galawan sa hanay ng senior police officials.

Sa kasalukuyan ay wala pang inihahayag na kapalit sa nabakanteng pwesto ni Sermonia bilang Number 2 man ng PNP, ang pinakabatang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’89.

Ilan sa mga opisyal na inaasahan o posibleng humalili ang Number 3 man ng PNP na si Police Lt. Gen. Michael John Dubria, kasalukuyang PNP Deputy Chief for Operation; si Police Lt. Gen. Emmanuel Peralta na Chief Directorial Staff at No. 4-man ng PNP.

Sinuman ang umakyat ng puwesto ay tiyak na may domino effect gaya ng sino ang posibleng ilagay bilang The Chief Directorial Staff (TCDS) na maiiwang bakante sa pag- akyat ni Peralta.

Una nang sinabi ni Acorda na maraming bakante ngayon para sa promosyon ng mga pulis.

Nabatid na bukod sa inaasahang malawakang reshuffle ay binabantayan din ang pagpapatupad ng PNP reorganization law. Sa ilalim ng nasabing batas ay sinasabing gagawing mga major general ang pahahawakin ng ilang Support Units sa Camp Crame.

Habang sa mga Area Police Command (APC) naman, ang mga itatalagang deputy chief nito ay kailangan na mga brigadier general lamang subalit hawak ngayon ng major general.

Nabatid na kasalukuyang pinag-aralan na rin ng Directorate for Personnel and Record Management ang pagpwesto ng mga opisyal sa mga bakanteng pwesto sa Pambansang Pulisya.

Halos dalawang buwan ang nakalilipas ay may tatlong senior PNP officers ang inilipat ng kani kanilang mga puwesto na kinabibilangan nina PNP Retirement and Benefits Administration Services head Brig. Gen. Andre Dizon na ginawang PNP-PRO5 Director.

Kapalit ni Brig. Gen. Westrimundo Obinque, na ginawang acting director of the Directorate for Research and Development. Na promote naman si
Col. Leon Victor Rosete, na nakatalaga sa Integrity Monitoring and Enforcement Group bilang pinuno ng PRBS. VERLIN RUIZ