PARANAQUE CITY- DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mahigit sa 300 seafarers na na-stranded sa Miami, USA dahil sa COVID-19.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUM-WA), Philippine Embassy sa Washington DC. at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa report umaabot sa 354 Filipino seafarers ang bilang ng mga dumating kahapon ng umaga sakay,ng chartered Qatar Airways flight QR 7485 galing sa Estados Unidos.
Nabatid na ang sinasabing mga marino o seafarers ay sakay ng isang cruise ships na ino-operate o pinamamahalaan ng Carnival Cruises, at natengga sa barko ang mga ito dahil sa travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Samantalang, ang 76 na mga crew members na pinauwi ay mga tripulante ng MV Ecstasy, at ang 104 crew ay galing sa barkong MV Dream, 49 crew mula sa MV Glory at 125 ng MV Sunshine.
Pagkababa sa eroplano ng mga seafarers na ito ay dumaan sa mandatory health inspection na isinagawa ng Department of Health (DOH) at ng Bureau of Quarantine [BOQ], at mananatili ng 14-day facility quarantine sa isang hotel na aprubado ng Department of Health. FROI MORALLOS
Comments are closed.