PANIBAGONG EXTENSION SA ECQ DEDESISYUNAN PA LANG

HINDI pa rin napagdedesisyunan ng mga mayors sa Metro Manila na pawang mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) kung muling palalawigin ang pagsasailalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa panibagong extension ng 15 araw ang buong Metro Manila.

Ito ang napag-alaman kay MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na nagsabing hindi pa sila nakabubuo ng desisyon sa extension ng ECQ sa Metro Manila.

“Kinakailangan na magkaroon ng “one stand” ang lahat ng mayors sa Metro Manila tungkol sa extension ng ECQ at yan ang aming tatalakayin sa aming online meeting via Zoom ngayong araw na ito (Sabado-Mayo 9),” ani Olivarez na nagsabi rin na sa bandang hapon ng kanilang pagpupulong sa online ay makapagpapasa na sila ng kanilang resolusyon.

Ayon kay Olivarez, ang ilan sa mga alkalde ay nakatutok sa panibagong 15-day extension samantalang ang ibang mayor naman sa Metro Manila ay nais nang isailalim ang kanilang mga lungsod sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) bunsod sa idinudulot na epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sinabi ng MMC chairman na pabor sila sa metro-wide extension dahil na rin sa ang mga lungsod at munisipalidad ng Pateros sa Metro Manila ay magkakadugtong na ang ibig sabihin ay ang mga residente ay kadalasan na naninirahan sa isang lungsod ay nagtatrabaho naman sa kabilang siyudad.

“Hindi pwede na yung isang city ay nasa-ECQ tapos yung isang katabing city naman ay nasa-GCQ, magulo yun. Dapat kung ECQ ay ECQ lahat,” pahayag ni Olivarez.

Mas nakakakilos at maluwag ang isang siyudad kung isasailalim sa GCQ dahil mayroon na ditong bumibiyaheng pampublikong trans-portasyon at magbubukas na rin ang ibang mga establisimyento ngunit may pagbabawas ng kapasidad.

Samantala, sinabi ni Olivarez na sa bandang huli ay nasa control pa din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang desisyon kung mananatiling ECQ o ibaba sa GCQ ang Metro Manila dahil kung anuman ang mapagdede-sisyunan ng MMC ay mairerekomenda lamang nila sa naturang task force.

“Nasa IATF-MEID na ang pinalna desisyon dahil ang MMC ay isang recommendatory body lamang,” pahayag ni Olivarez.

Ang MMC ay isa lamang governing board at policy-making body ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Olivarez na kapag nagpasa na sila ng resolusyon sa IATF-MEID na nagrerekomenda ng panibagong 15-day extension ng ECQ sa Metro Manila at ito ay ini-reject ng task force, “wala na kami magagawa dito.”

Matatandaan na ang ECQ ay unang idineklara sa buong Luzon noong Marso 17 at na-extend pa ito sa ibang lugar, kabilang ang Metro Manila, ng dalawang beses na ngayon ay magtatapos hanggang Mayo 15.

Sa kanyang personal na opinion, sinabi ni Olivarez na irerekomenda niya rin sa IATF-MEID ang panibagong extention ng ECQ dahil sa tingin niya ang COVID-19 ay nananatili sa Metro Manila kung saan may mahigit 6,000 sa 10,000 kaso na nagpositibo sa virus na ito simula ng kumalat ito sa buong bansa.

Napag-alaman din na ang Quezon City, na may pinakamalaking populasyon sa Metro Manila, ay nakapagtala ng may pinakamaraming kaso ng COVID-19 na may 1,453 na sinundan naman ng Lungsod ng Maynila na may 749; pumangatlo ang Parañaque na may 499 habang ang Makati naman ay pumang-apat na may bilang na 471 kaso ng COVID-19.

Gayunpaman, kapuna-puna ang ulat ng mga opisyales Department of Health (DoH) na ang mga lungsod ng San Juan at Valenzuela ay ilan lamang sa mga siyudad sa Metro Manila na nakapagpakita ng pagbagal sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Matatandaan na dati nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang magiging basehan ng IATF-MEID sa pagtatanggal ng ECQ ay ang lebel ng pagbaba sa pagkalat ng COVID-19 sa isang lugar; kapasidad ng mga ospital at ang kasalukuyang estado ng ekonomiya.

Sa huling datos ng DoH sa kanilang COVID-19 update ay mayroon nang 10,463 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan ang 6,793 sa bilang na ito ay nanggaling sa Metro Manila. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.