NAGLABAS ng direktiba si House Speaker Martin Romualdez upang buhaying muli ang kampanya upang pababain ang presyo ng sibuyas sa merkado.
Ito’y kasunod na rin ng mga ulat na aktibo na naman ang mga onionhoarders at minamanipulang muli ang presyo nito.
Ayon kay Speaker Romualdez, lumitaw sa monitoring ng House Committee on Agriculture and Food na ang presyo ng sibuyas sa merkado ay nagsisimula na namang tumaas mula sa P90 hanggang P180 kamakailan.
“Nagsisimula na namang maging aktibo ang mga hoarders at price manipulators ng sibuyas. We will nip this problem in the bud. Hindi natin papayagan na pumalo ang presyo nito sa halagang di abot-kaya ng ordinaryong Pilipino,” anang top leader ng Kongreso.
“Akala yata ng mga hoarders at price manipulators na ito, hindi natin sila binabantayan. Sa pagkakataong ito, hindi nila tayo malulusutan. Pakikilusin natin ang lahat ng sangay ng gobyerno para maibalik sa dati ang presyo ng sibuyas,” dagdag pa niya.
Inihayag rin ni Romualdez na hiniling niya sa mga opisyal ng Bureau of Plant and industry (BPI) na mag-report sa kanyang tanggapan upang maipaliwanag sa kanya at iba pang lider ng Kamara kung bakit nagagawa na namang imanipula ng mga hoarder ang presyo ng sibuyas.
Paliwanag niya, naipagbili na ng mga onion farmers ang kanilang ani sa mga wholesalers, ngunit nananatili pa ring kulang ang suplay, at mataas ang presyo ng sibuyas.
“Sa report na natanggap namin, naibenta na ng mga magsasaka ang harvest nila. Ibig sabihin, nasa cold storage na ang mga ito at pinipigil lang ang release sa market para mapataas ang presyo. Ito ang modus operandi na nadiskubre ng House Committee kung kaya napatigil natin ito noon,” saad pa ni Speaker Romualdez.
“Kung hindi nila ilalabas ang mga produkto nila, baka mapilitan ang gobyerno na mag-import ng sibuyas. Hindi naman maaapektuhan ang mga magsasaka dahil wala na sa kanila ang mga produkto nila. Yung mga hoarders at price manipulators ang sigurado na malulugi kung may importation,” paliwanag niya.