PANIBAGONG PAG-ATAKE NG CHINA SA PH COAST GUARD KINONDENA

TAHASANG kinondena ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang aksiyon ng tropa ng China matapos ang pinakahuling insidente ng paghaharang nito sa Philippine Coast Guard (PCG) supply at patrol vessel sa Spratly Islands.

“Tuso talaga ang China, while its diplomats say that more lines of communication are now available to avoid skirmishes and misunderstanding in the West Philippine Sea (WPS) their coast guard tried to ram our coast guard and are intent in denying us our own waters,” ang naging pahayag pa ng lady House deputy minority leader.

“Aside from filing a diplomatic protest, steps must be undertaken so that this will not happen again like lobbying the Asian Parliamentary Assembly and the Inter-Parlimentary Union (IPU) to condemn such actions,” paggigiit ni Castro.

Ayon sa ACT Teachers party-list lawmaker, ang nangyayaring panghaharang sa BRP Malapascua at BRP Malabrigo noong nakaraang Linggo ay hindi ang una, bagkus ay kabilang sa serye at patuloy na ginagawa ng China sa pagpupumilit na maangkin ang buong West Philippine Sea.

Kaya namang bukod sa mariing pagkondena sa ginagawa ng naturang dayuhang bansa sa mga tauhan ng Pilipinas na nagsasagawa lamang ng re-supply mission at pagpapatrolya sa karagatang nakapaloob sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, sinabi ni Castro na dapat gumawa ng kongkretong hakbang ang gobyerno upang masolusyunan ito.

Kabilang na rito ang pagpapalakas at pagpapatatag sa kooperasyon ng Pilipinas sa iba pang ASEAN countries partikular sa aspeto ng pagtutulungan upang idepensa ang teritoryo ng bansa, batay na rin sa naging pagtatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). ROMER R. BUTUYAN