KINUMPIRMA ng National Maritime Council (NMC) na nagdeploy na ang Philippine Coast Guard ng panibagong patrol vessel sa Escoda Shoal (Sabina Shoal) sa may Palawan kapalit ng magre-replenish na BRP Teresa Magbanua.
Kahapon inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na “no reported adverse situation” sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea kasunod ng deployment ng panibagong patrol mission sa bahagi ng Palawan na saklaw ng exclusive Economic Zone ng bansa.
Bagaman kinumpirma rin ni Coast Guard Adm. Ronnie Gil Gavan na may Chinese vessels pa rin ang patuloy na naglalayag sa paligid 136-square-kilometer na nabahura na nasa 70 nautical miles lamang mula mainland Palawan.
“We are everywhere. We will be maintaining our strategic presence all over the country,” pagtitiyak ni Adm. Gavan.
Una nang inihayag ni NMC spokesperson USec. Alexander Lopez na sa ngayon walang napaulat na panghaharass mula sa Chinese militia sa barko ng Pilipinas na ipinadala kapalit ng BRP Teresa Magbanua para magbantay sa Escoda shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lopez, hindi lamang sa Escoda shoal ang binabantayan kundi maging sa iba pa na saklaw ng bansa sa WPS.
Nitong nakalipas na Linggo ay kinumpirma ni National Security Adviser Eduardo Año na naglayag na ang kapalit na barko ng BRP Teresa subalit pansamantalang sumilong dahil sa masamang panahon.
Sinabi rin ng opisyal na hindi na kailangan ng bagong kasunduan sa pagitan ng PH at China kaugnay sa shoal dahil ang mahalaga aniya ay matigil ang anumang reclamation activities sa lugar
“Meron tayong patrol operations doon sa area at ‘yan ang tinitiyak natin sa mga kababayan natin at hindi po magpapabaya ang coast guard sa pagpa-patrol do’n sa area,” pahayag naman ni Coast Guard Spokesman Vice Adm. Armand Balilo.
Kaugnay nito, inihayag ni Ray Powell, director of South China Sea monitor SeaLight na hindi niya nakita o wala siyang na monitor na anumang Philippine ships sa Escoda Shoal, subalit possible umanong nagpatay ito ng kanilang automatic identification system (AIS) para hindi matugaygayan.
Subalit, inihayag din ni Powell na na-obserbahan nila biglang nagkaroon ng activity sa West Philippine at nagkukumahog ang ilang Chinese ships kabilang ang isang China Coast Guard na nag aapurang makarating sa Palawan.
Bukod dito ay may walo pa umanong Chinese maritime militia ships ang umalis sa kanilang China’s military base sa Panganiban Reef (Mischief Reef) at naglayag patungong Escoda Shoal.
“Mas maganda nga iyong nanghuhula sila kung saan. Kasi kapag alam nila kung nasaan, doon sila pupunta eh – parang magnet iyan. So, that is our approach na as much as possible na hindi natin i-reveal kung nasaan sila,” ani Lopez sa ginanap na pulong balitaan.
VERLIN RUIZ