PANIC BUYING SA FACE MASK

FACE MASK

NAGKAKAUBUSAN  na  ng mabibiling face masks sa mga drug store  at iba pang mga tindahan matapos na dumagsa ang mga bumibili nito nang  pumutok ang balitang may nakumpirmang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa kahapon.

Sa ilang mga tindahan sa Bambang at Rizal Avenue sa Sta. Cruz sa Maynila ay out of stock na ang facemasks kagabi dahil pila-pila ang bumibili nito katulad noong unang araw ng pagputok ng Bulkang Taal.

Out of stock na rin sa  ilang mga botika sa Metro Manila.

Kapuna-puna naman ang pagtaas ng presyo ng facemask na dati ay nabibili ng P5.00 isang piraso ay naging P7.50 na hanggang P10.00.

Ang unang kumpirmadong kaso ng nCoV sa bansa ay ang 38-anyos na babaeng Chinese mula sa Wuhan, China na ang flight ay via Hong Kong.

Samantala, pinagsusuot  ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng mga kawani at pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng protective mask para makaiwas sa novel coronavirus.

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ito ay alinsunod sa ipinag-uutos ng Department of Health (DOH) bilang prevention laban sa sakit na ito.

Nagbiro pa si Monreal na ang ibig sabihin ng “WUHAN” ay ang W-wash hands, at U-use mask properly. Aniya,  iwasan din ang magpunta sa maraming tao  at pigilang makipag-beso-beso para makaiwas sa sakit.

Naglagay rin ang MIAA ng hands saniti­zers sa iba’t ibang lugar ng paliparan  o terminals na gagamitin ng mga kawani at mga pasahero sa may arrival at departure area.

Iniutos din ng Bureau of Customs (BOC) sa kanilang mga tauhan sa NAIA at sa mga warehouse na magsuot ng N95 mask habang nakikipag-usap sa mga pasahero .

Mahigpit na monitoring din ang iniutos  sa mga dumarating na hayop na galing ng China at mga used clothing o ukay-ukay bilang safety measures.

Ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni President Rodrigo Duterte sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na masusing monitoring sa sea at airports nang sa gayon ay maiwasang kumalat ang  virus sa bansa. FROI MORALLOS

Comments are closed.