SUMUGOD sa Senado ang health advocates at tobacco farmers na magkatuligsa ang panawagan kaugnay sa buwis sa sigarilyo.
Ang mga health advocate na pabor sa panibagong pagtataas ng buwis sa tobacco habang ang tobacco farmers na tinututulan ang panukala ng ilang senador na panibagong pagtataas ng buwis sa sigarilyo.
Sa panayam, sinabi ni Dr. Anthony Leachon, Independent Health Director ng Philhealth na nagtungo ang mga doktor at mga kabataan para suportahan ang panukalang batas nina Senador Joseph Victor Ejercito, Win Gatchalian, Risa Hontiveros at Senador Manny Pacquiao na naglalayon na taasan ang buwis sa tobacco products hanggang P70.
Naniniwala si Leachon na makatutulong ang malilikom na pondo mula rito para sa pagpapatupad ng Universal Health Care at maging sa Health Facilities Enhancement Program na pakikinabangan ng mga mahihirap na may mga karamdaman.
Umaasa si Leachon na makalulusot ang naturang panukalang batas sa Senado ngayong araw at maipapasa sa bicam bago ang session break para sa pagbibigay daan sa 2019 campaign election.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pagtutol ang samahan ng mga magsasaka ng tabako na nagtungo rin sa harap ng Senado.
Ayon kay Mario Casabal ng Tobacco Growers Association, papatayin ng naturang panukalang batas ang kabuhayan ng mga magsasaka na umaasa lamang sa pagtatanim ng tabako.
Iginiit pa ni Casabal na katataas pa lamang ng buwis ngayong taon dahil sa ipinatutupad na sin tax, magtataas pa muli ng buwis kapag naging ganap nang batas ang panukalang batas nina Ejercito, Pacquiao, Gatchalian at Hontiveros na aniya’y papatay sa kanilang kabuhayan.
Idinaan naman ng kabataang health advocates sa sayaw ang kanilang pagtutol sa paninigarilyo at hiling na karagdagang P90 buwis sa tobacco products dahil ang paninigarilyo ay nakasasama sa kalusugan. VICKY CERVALES
Comments are closed.