PANINDANG BUKO BUMUHAY SA PAMILYA

TANGING ang panindang buko ang bumuhay sa buong pamilya ni Joel Flora, 36-anyos mula sa Pasig City.

Ayon kay Joel, nagsimula siya sa pagtitinda ng prutas, mantika, itlog at iba’t ibang uri ng kalakal sa pamamagitan ng paglalako sa bahay-bahay.

Dahil sa pagtitiyaga, naka-ipon siya ng kaunti at nakabili ng motor na nilagyan ng side car na puro bakal para lagyan ng kanyang panindang buko.

Nakakita rin si Joel ng isang maliit na puwesto na pagtitindahan niya ng buko dahil sa mahirap ang maglako na paikot sa mga kabayahan.

Ikinuwento nito ang naranasan na niya noong una na maglako kung kaya’t alam niya ang hirap ng pagsuong sa tirik na init ng araw at kung mamalasin ay biglang babagsak ang ulan o kung mayroong bagyo.

Hindi biro ang pinagdaanan ni Joel sa kanyang paghahanapbuhay na dumarating din ang pagkalugi sa kanyang mga paninda lalo na kung matumal bumibili at minsan ay hindi magandang kalakal ang kanyang nakukuha.

Ngunit hindi kailangang panghinaan ng loob si Joel dahil sa mayroon siyang apat na anak na kasalukuyang lahat ay nag-aaral at ang panganay niya ay 16 na taong gulang na.

Kailangang gumi­sing ng madaling araw ni Joel para makatiyak na makakuha ng murang paninda at magandang kalakal.

Sa Pasig Palengke namimili ng panindang buko at mga prutas si Joel.

Aminado naman si Joel na ang kanyang puhunan ay bukod sa sariling bulsa ay mayroon din siyang utang sa mga bumbay at ilang nagpapautang.

Masaya naman si Joel at natatapos niya itong mabayaran at kaya lagi siyang nakaka-renew at nagtitiwala sa kanya ang mga nagpapautang.

Kung minsan ay matumal at maliit ang benta at walang tubo ay sinisikap pa rin nitong huwag pu­malya sa mga hinuhulugan.

Ang puhunan ni Joel sa buko ay P23 kada isang piraso at ibenebenta niya ito ng P40 kasama na kasi rito ang transportasyon at bayad sa upa.

Subalit, tuwing sasapit talaga ang mga okasyon katulad ngayong Kapaskuhan ay tumataas ang pres­yo ng buko at  wala siyang magagawa kundi ang bumili pa din ng paninda at taasan ng kaunti ang          presyo.

Iginiit pa ni Joel na sa tuwing bibiyahe siya para mamamili ng buko ay kumukha siya ng 100 pirasong buko na paninda ngunit, 50 piraso lamang ang nauubos.

Ang oras kasi ng pagtitinda ni Joel  ay mula ala-5:30 ng umaga hanggang alas-11:30 ng tanghali araw-araw sa kanyang puwesto sa Acacia St. Cembo, Makati City.

Natutuwa si Joel na bukod sa pagtitinda niya ng buko ay nagkakaroon siya ng konting sideline dahil matapos niyang mamalengke mula sa Pasig ay mayroon ilang mga ka­tulad niyang magpuprutas ang sumasabay sa kanya patungong Cembo at pabalik sa Pasig.

Sinabi ni Joel kahit papaano ay nakakabawi siya sa mga ito kaya maaga rin nagsasara dahil kailangan niyang sabayan sa pag-uwi dahil sa kanya sasakay ang iba niyang mga kasamahanag magpuprutas.

Nalibre na ang transportasyon ng kanyang paninda ay mayroon pang dagdag na income mula sa kanyang mga kasamahan.

Ang mga kasamang magpuprutas ni Joel ay pawang nag-ikot-ikot sa mga bahay-bahay sa barangay Cembo at South Cembo at maging sa ilang karatig barangay para ilako ang kanilang mga kalakal.

Kuweto ni Joel sa kanyang sa sampung taong pagtitinda ay marami na din siyang nakilalang bagong kaibigan at bukod sa mga suki niya na tumatangkilik sa kanyang buko.

Iginiit ni Joel na hindi siya magsasawa sa pagtitinda ng buko matiyak lamang na matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

At laking tuwa din ni Joel sa lahat ng naririnig niyang magandang feedback mula sa iba niyang mga customer sa epekto sa kanila ng buko niyang paninda.CRISPIN RIZAL