PANINDIGAN NI PBBM SA ANTI-POVERTY AGENDA NG GOBYERNO LABAN SA ‘NEVER-ENDING AYUDA’ PINURI NI DATING SEN. LACSON

PINAPURIHAN ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang agenda ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na gamitin ang  social programs upang iahon ang mga pamilyang Pinoy mula sa kahirapan kaysa hayaan silang umasa  sa  walang katapusang ayuda.

Ang pahayag ay ginawa ng dating senador makaraang linawin ni Presidente Marcos sa kanyang New Year’s message na ang assistance programs tulad ng cash subsidy at emergency employment aid ay hindi nagtutulak sa mahihirap na Pilipino  na manatiling umaasa sa ayuda ng pamahalaan.

“Our social programs provide welfare armor to the vulnerable but they also provide the means to overcome the very state that they find themselves in,” wika ni Marcos sa kanyang New Year’s message na ipinost sa Facebook.

“Thus, most ayudas are not a type of permanent welfare because we do not promote a life of dependency. Kaya nga ang pangunahin at tamang konsepto ay pantawid hindi palagian,” aniya.

Bilang tugon, sinang-ayunan ni Lacson ang pahayag ng Pangulo, at idinagdag na ang mga inisyatibong ito ay gawin na lamang “sustainable livelihood o job opportunities“.

“Isang kasalu-saludo na pahayag ng isang pangulo ng bansa na matagal na dapat naging polisya para na pagbibigay ng ayuda sa mga kapus-palad na Pilipino,” ang post ni Lacson sa X, dating kilala bilang Twitter.

Ibinahagi rin ni Lacson sa Facebook ang kanyang naunang pahayag hinggil sa social programs na nakahanay sa  agenda ni Presidente Marcos para sa  social programs.

Ayon kay Lacson, ang  social programs ng bansa ay dapat magtaglay ng “overarching objective to drive our people back to work, not subsist on dole-outs all their lives.”

Ito’y bilang suporta sa pahayag ni President Marcos, na ipinaliwanag sa kanyang New Year’s message na ang epektibong ayuda ay hindi nagtutulak sa mga Pilipino na manatiling mahirap, sa halip ay tumutulong sa kanila na makaahon sa kahirapan.

“Ang epektibong ayuda ay hindi binuburo ang tao sa kahirapan. The objective is to graduate from poverty,” sabi ni Presidente Marcos.

Tiniyak din ng Pangulo sa publiko na magpapatuloy ang free college program at iba pang scholarship projects ng pamahalaan.

Ang livelihood grants at product incubation assistance ay magsisilbi ring ‘government equity’ sa skilled at talented Filipinos upang matupad ang kanilang mga pangarap.

Nangako rin si Marcos  na ipagpapatuloy ang pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka, mula sa seedlings hanggang fertilizers.