Sa loob ng tatlong araw sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ay gaganapin ang Performatura Festival 2023, isang selebrasyon ng panitikan at pagtatanghal. Ito ay magaganap mula ika-31 ng Marso hanggang sa ika-2 ng Abril.
Ang mga kaganapan ay magsisimula alas-10:30 ng umaga sa Tanghalang Ignacio B. Gimenez (CCP Black Box Theater).
Kabilang sa pagdiriwang ang selebrasyon para sa Buwan ng Kababaihan (Marso) at Araw ni Balagtas 2023, ang ika-149 anibersaryo ng kapanganakan ng isa sa natatanging makata ng bayan, si Francisco Baltasar. Narito ang mga detalye ng programa sa ilalim ng temang “Performatura Goes Pop”.
Sa unang araw, ika-31 ng Marso, ang vlogger at entrepreneur na si Carlo Ople ay maglulunsad ng kanyang aklat na “Suweldo is Not Enough”. Magkakaroon ng mga tagapagsalita, isang shoe auction, at pagtatanghal ng tula. Sa bandang hapon naman ay tutuon ang programa sa mga kababaihan. Ang mga kopya ng printed version ng aklat na “In Certain Seasons: Mothers Write in the Time of COVID” ay ilalabas, kasabay ng paglulunsad ng “Lila: Mga Tula,” isang aklat ng mga tula na isinulat ng mga babaeng miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA).
May mga kababaihang tagapagsalita ang magbabahagi sa hapon, kasama na ang ilang pampanitikang pagtatanghal.
Pagsapit ng alas-6:00 ng hapon, ang pelikula ng yumaong National Artist for Film na si Marilou Diaz Abaya at isinulat naman ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee, ang “Brutal”, ay ipalalabas.
Magkakaroon ng isang talk-back session si Lee pagkatapos ng palabas.
(Itutuloy…)