PANPACIFIC UNIVERSITY TAMPOK SA USAPANG PAYAMAN SA DWIZ

Nagbigay ng inspirasyon sa mga tagapakinig at tagapanood ang naging talakayan sa Usapang Payaman sa
DWIZ kung saan naging panauhin sina PANPACIFIC University Prof. Kristoffer John C. Panem, MBA – International Relations Officer; Prof. Rhonda T. Padilla, Ph.D. – University President at Prof. Engelbert Pasag, Ph.D. – Chief Operating Officer. Kasama ang mga hosts na sina Susan Cambri Abdullahi at Eunice Calma.

 

MAKAPAG-PRODUCE ng matagumpay na professionals ang mandato ng Panpacific University na nagdiwang ng kanilang ika-30 anibersaryo simula noong Enero 30, 2023.

Dahil sa layunin ng quality education, ayon kay Dr. Rhonda Padilla, PhD., ang presidente ng Panpacific U, hindi nila pinigilan ang pag-aaral ng mga estudyante dahil lamang sa hindi pa available ang cash na pambayad sa tuition, bagkus ay tinanggap nila ang mga produktong pang-agrikultura gaya ng gulay at manok para matulungang makatapos ang kanilang mga estudyante.

Ayon kay Dr. Padilla sa ganoong paraan ay mayroon silang maiaambag sa kanilang mga mag-aaral at kanilang ikinagalak na mga estudyanteng may ganoong karanasan ay naging matagumpay sa piniling propesyon.
Sinabi naman ni Dr. Engelbert Pasag, Ph.D., Panpacific University Chief Operating Officer, na bukod sa kaluwagan na ibinigay nila sa mga estudyante ay mayroon din silang scholar programs sa mga deserving student.

Habang noong 2012 ay mayroon silang mga estudyante na naging bahagi ng exchange student program sa Korea at sa Japan.

Dahil sa kalidad na edukasyon na alok ng unibersidad na dati ring tinawag na Pangasinan Colleges of Science and Technology, nakamit nito ang QS rating of 3 stars at isa sila 27 universities sa Pilipinas na ginawaran nito.

Sinabi ni Dr. Pasag na nang tumama ang COVID-19 pandemic at nagkaroon ng lockdowns, sinamantala nila na trabahuhin para makamit ang QS 3 star rating at hindi kami nabigo.

“Habang lockdowns ito ang tinutukan namin, ang maka-comply”, ayon kay Dr. Pasag.

Ang mga kursong kilala ang Panpacific U ay Bachelor of Science in Maritime Transportation Criminology, Nursing at Education.

Sinabi naman ni Prof. Kristoffer John C. Panem, MBA, International Relations Officer, patuloy ang pagbibigay nila ng scholarships sa mga deserving student habang mayroon din silang mga programa sa mga nagtatrabaho na hindi pa nakatapos ng kanilang kurso.

Ito ay ang kanilang pagtugon sa ETEEAP o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program.
Marami anila silang natulungan na nakumpleto ang pag-aaral dahil sa nasabing program.